MINI-DAMS SOLUSYON SA WATER CRISIS

Leyte Rep Martin Romualdez

ISINUSULONG  sa Kamara ang pagtatayo ng mini-dams para masolusyunan ang problema sa suplay ng tubig.

Ayon kay  Leyte Rep. Martin Romualdez, isasakatuparan ito sa ilalim ng isinusulong na Department of Water na tututok sa pagtatatag ng malinis na water supply mula sa iba’t ibang pagkukunan nito tulad ng tubig ulan na mula naman sa mini- dams.

Iginiit nito na sa­yang ang mahigit 900 hanggang 4,000 millimeters na tubig-ulan na bumubuhos sa Filipinas kada taon, kaya panahon na para pag-aralan ang rainwater harvesting na pagkukunan ng inuming tubig para sa mga lungsod at bayan.

Base naman sa panukala ni Bulacan Rep. Gavini Pancho, iipunin ng local catchment ang tubig-ulan para magamit na suplay ng inuming tubig, pang-agrikultura, commercial at sa industrial sector.

Hindi lamang aniya magiging sapat ang suplay ng tubig kundi matutugunan pa ang problema sa pagbaha lalo na sa Bulacan at Metro Manila.

Paliwanag ni Pancho, hindi gaanong gagas­tos ang gobyerno para sa proyekto dahil mayroon nang umiiral na impraestruktura na isasailalim sa level-ling at pagpapalalim ng riverbed.   CONDE BATAC

Comments are closed.