NANANATILING bawal sa malls ang mga menor de edad sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) taliwas sa pahatyag ni Interior Secretary Eduardo Año, ayon sa police chief ng Metro Manila.
Sinabi ni Police Brig. Vicente Danao na tanging ang authorized persons outside homes (APOR) o essential workers ang papayagan sa loob ng mga shopping center.
“’Di pa po allowed ‘yan sa GCQ. We’ll be having a meeting with mall managers na hindi pa rin po ia-allow ‘yung pagpapasok ng non-APOR kasi we’ll be expecting an influx ng mga tao diyan sa mga malls and other places of convergence,” sabi ni Danao nang tanungin hinggil sa pagpapahintulot sa mga bata na makapag-mall.
Aniya, ito ay para makaiwas sa banta ng COVID-19.
Ayon naman kay Police Lt. Gen. Cesar Binag, commander ng Joint Task Force COVID Shield, kailangan ang isang local ordinance para maipatupad ang rekomendasyon ng Metro Manila mayors na payagan ang mga menor de edad na lumabas ng bahay.
“Kailangang pagtibayin iyan ng isang ordinansa. Sa meeting namin ng JTF COVID Shield, pinaghandaan po namin itong recommendation ng mayors sa Metro Manila at kaugnayan din natin si NCRPO director para nga sa pagpapatupad nitong ni-recommend nila na tinanggap naman ng IATF at in-announce na nga kagabi,” aniya.
Babala niya, ang mga bata ay maaaring maging ‘superspreaders’ kapag pinayagan silang lumabas ng bahay ngayong Christmas season.
“They say the holiday season is about kids and children but I think if they will be allowed to roam around and visit the malls they will be the ones to carry the virus at home. They will be the superspreaders and they will affect their parents and grandparents so this is dangerous.” VERLIN RUIZ
Comments are closed.