MINORS ‘DI PUWEDE SA MALL

MINORS

NAGKASUNDO ang mga Metro Manila mayor na huwag pa ring payagan ang mga menor de edad na makapasok sa mga shopping mall alinsunod sa rekomendasyon ng mga health expert, ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia.

Ani Garcia, ang mga menor de edad ay bawal ding dumalo sa Simbang Gabi.

“Unanimous po, 17-0, the mayors will not allow minors to go out. That’s why ‘yung ating GCQ guidelines na 18 to 65, ‘yun pa rin ang papayagan lumabas,” sabi ni Garcia.

“Of course sabi ko nga mayroong pro, mayroong against pero at the end of the day, noong nakita nila ‘yung opinion ng experts, talagang nirerespeto natin ‘yan,” dagdag pa niya.

Hiningi ng 17 local chief executives ang opinyon ng mga health expert kasunod ng suhestiyon ni Interior Secretary Eduardo Año na payagan na ang mga may edad 18 pababa na mag-mall ngayong Christmas season.

Ayon kay Garcia, papayagan lamang ang mga bata sa malls para sa essential trips, tulad ng medical appointments. Aniya, ang implementasyon ay nakadepende sa mall at establishment owners.

Dagdag pa niya, ang pagpapatupad ay responsibilidad na ng local government units at pulisya, at ang sanctions ay nakadepende sa local ordinances.

Inirekomenda ng Philippine Pediatric Society at ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines na manatili sa bahay ang mga bata sa gitna ng COVID-19 pandemic upang mabawasan ang panganib ng infection at  transmission.

Hindi rin ipinapayo ni Health Secretary Francisco Duque III ang pagtungo ng mga menor de edad sa mga pampublikong lugar kung saan binigyang-diin niya na hindi bababa sa 3 percent ng total COVID-19 cases sa bansa ay mga bata na nahawaan ng virus.

Samantala, pinayagan na ng lalawigan ng Cavite ang mga residente na may edad  10 hanggang 60 na pumasok sa  malls.

Subalit sinabi ni Go­vernor Jonvic Remulla na ang mga may edad 10 hanggang 17 ay kailangang samahan ng kanilang mga magulang o guardian. LIZA SORIANO

Comments are closed.