MINORYA TUTULONG PARA MATIYAK ANG ‘HIGH ATTENDANCE’ SA KAMARA

Kongreso

NAGPAHAYAG ng kahandaan ang panig ng minorya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na tumulong sa pagtitiyak ng mataas na bilang ng mga mambabatas na dadalo sa kanilang sesyon.

Kasabay nito, positibo naman si Deputy Speaker at Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II na mas maagang maaprubahan ng lower house ang 2020 General Appropriations Bill (GAB) kaysa sa sarili nitong itinakdang taning na bago ang kanilang recess sa Oktubre 4.

Sa isang pahayag, sinabi ni House Minority Leader at 6th Dist. Manila Rep. Benny Abante, na maging silang tinaguriang oposisyon sa Kamara de Representantes ay nagnanais na maging produktibo ang institusyong kinabibilangan nila partikular ang makapagpasa ng mga batas na makatutulong sa bansa at sambayanang Filipino.

“The members of the Minority view with optimism the sterling attendance record of House members in the initial months of the 18th Congress. Like our counterparts in the Majority, we share their desire to contribute to the producti­vity of Congress—and the consistent presence and active participation of Minority members in House sessions, committee hearings, and briefings reflect are commitment to do our part to pass meaningful legislation in the next few years,” dagdag ni Abante.

Nauna rito, ipinagmalaki ni Deputy Speaker Gonzales ang naitalang ‘record high average attendance’ ng Kamara kung saan simula sa pag-bubukas ng 18th Congress noong Hulyo 22, ay nasa 247 na bilang ng kongresista ang aktibong dumadalo sa kanilang plenary sessions.

“This attendance record is unsurpassed, historic, and a testament to the determination and patriotism of the legislators, under the guidance and leadership of Speaker Alan Peter Cayetano,” pagbibigay-diin ng Mandaluyong City solon.

Kaya naman pinuri ni Gonzales ang magaling na pamumuno ni Speaker Cayetano at maging ang mga kapwa niya kongresista dahil sa mataas na attendance nila.

Dahil sa maayos na pagdaraos ng sesyon at iba pang pagdinig ng iba’t-ibang house committee’s, kabilang ang floor delibe­ration sa panukalang 2020 national budget, na may kabuuang halaga na P4.1 trillion, hindi na umano mag-tataka ang mambabatas na maaprubahan nila ito bago ang target o deadline nila sa Oktubre 4. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.