KAHIT natatakot tayong lahat sa COVID-19, pinayagan ng Malacañang na magsagawa ng tradisyunal na “Simbang Gabi” o misa de gallo ang mga Kristyano ngayong Disyembre. Dapat ba nating ipagpasalamat na maitutuloy natin ang tradisyon, o dapat tayong matakot dahil malaki ang posibilidad na mas kumalat ang nasabing sakit?
Kasalukuyang bumababa na ang impeksiyon ng respiratory disease ayon sa Department of Health (DOH), at mukhang magkakaroon na rin ng vaccine ngayong 2021. Nasanay na rin tayong magsuot ng face mask at face shield. Pero paano na nga ba sa loob ng simbahan o sa kung ano mang places of worship? May sekta ang hindi nagse-celebrate Pasko at nagsasagawa ng Simbang gabi.
Linawin natin. Sabi ni Presidential spokesman Harry Roque, payag ang Malakanyang at nagpahayag na rin si Archdiocese of Manila apostolic administrator Bishop Broderick Pabillo ng kahilingan sa mga local government na i-adjust ang curfew hours para makapagsagawa ng misa sa madaling araw hanggang Pasko. Umapela na rin ang pamunuan Simbahang Katoliko sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na medyo luwagan ang kanilang mga patakaran sa mga isasagawang religious activities para hindi naman masyadong malungkot ang Pasko.
Pumayag rnaman ang IATF na medyo luwagan ang mga patakaran habang isinasagawa ang siyam na araw na novena kahit pa nag-aalala sila sa magiging resulta nito. May social distancing din sa loob ng mga simbahan, kung saan dalawang metro ang layo ng bawat tao kahit pa magkakasamang nagsimba. Kung tutuusin, mas madali ito ngayon para sa mga magsisimba dahil hindi na nila kailangang makipagsiksikan. Isa pa, siguradong televised ang misa de gallo, kaya hindi na rin nila kailangang umalis ng bahay. ‘Yun nga lang, mami-miss nila ang puto bumbong at bibingkang galapong.
Ngayong magpapasko, siguradong mauuso ang online selling ng puto bumbong at bibingka, dahil parang hindi kumpleto ang misa de gallo kung wala ang mga ito.
Misa de gallo. Misa-mass, gallo-chicken.
Kung direct translation, ang ibig sabihin nito ay misa ng manok. Ano naman ang kinalaman ng manok sa misa?
Kasi naman, ang original na misa de gallo ay 4:00 am hanggang 5:00 am – madaling araw. Oras kung kailan nagsisimulang tumilaok ang mga tandang. Ngayong sumailalim na naman ang Metro Manila sa GCQ hanggang katapusan ng Disyembre at ang curfew ay 10 p.m. hanggang 5 a.m., hindi na ang paggising ng maaga ang problema kundi kung paano lalampasan ng curfew. Kung medyo mahigpit ang barangay, palalampasin kaya ng mga magsisimba?
May protocol din ang CBCP sa mga Katolikong magsisimba. Batay sa Circular No. 20-82, mahigpit na ipatutupad sa mga dadalo sa Simbang Gabi ang social distancing, pagsusuot ng face mask at pagbabawal ng mass gatherings.
Tulad ng nakagawian, magsisimula ang Simbang Gabi tuwing Disyembre 16 hanggang 24. Puwedeng isagawa ang anticipated mass ng alas-6:00 ng gabi habang ang lass mass naman ay papayagan hanggang alas-6:00 ng umaga. Kahit umano ang mga pastor ng ibang sekta ay pumayag sa ganoong kasunduan, na inayunan din ng karamihan sa mga LGUs.
Ngunit sa isinagawang interview ng Pilipino Mirror, mas marami ang may gustong sa live streaming na lamang dumalo ng Simbang Gabi bilang bahagi ng pansariling pag-iingat, bagay na inaayunan din ng CBCP.
Sa Christmas Eve naman, na karaniwang dinadaluhan ng buong pamilya bilang nakagawiang bahagi ng selebrasyon ng Pasko, ay 11pm ng gabi hanggang 12 midnight. Siyempre, noche Buena na ang kasunod nito. In fact, kung sinuwerteng magkakasama ang buong pamilya sa iisang bahay, eksaktong alas dose ay makakapagsalo-salo na sila sa noche Buena, at dakong 1:00 am ng Disyembre 25 ay makapagbubukas na ng regalo. Sa totoo lang, kakaibang selebrasyon ng Pasko ang magaganap ngayong taong ito para sa ating lahat. Walang gaanong pupunta sa mall para mamili ng regalo pero meron namang online shopping. Walang kakain sa labas at manonood ng sine pero may CD marathon naman o kahit man lang sa youtube. Gawa na lang tayo ng sarili nating popcorn habang asahan na walang mga batang mamamasko o caroling, bawal kasi. Higit sa lahat sa pagdiriwang ay gun-itain ang kapanganakan ng Panginoong Hesukristo, ang Dakilang Manunubos. NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.