LALONG pinaiigting ng Quezon City Veterinary Department ngayong nalalapit na ang Pasko ang pag-inspeksiyon sa mga palengke upang masiguro ang tamang pag-handle ng frozen meat.
Sa isang tindahan sa Commonwealth Market nitong nakaraang Biyernes, 12 kilo ang nasamsam na mishandled meat na maaari umanong magdulot ng iba’t ibang sakit katulad ng pananakit ng tiyan at pagsusuka.
Hindi kasi tama ang pag-iimbak at pagsalansan sa mga ito.
“Kasi ang frozen meat, nasa chiller lang dapat, kapag nilabas mo na ‘yan sa chiller, nagkakaroon na iyan ng contamination,” ani Dr. Ana Marie Cabel, city veterinarian ng QC.
Apat na araw bago ang Pasko ay mas dinadalasan na ng Quezon City Veterinary Department ang pagbisita sa mga palengke dahil sa mas mataas na demand para sa karne.
Sa Sauyo Market sa Novaliches, 30 kilong mishandled frozen meat ang nasabat. Pero giit ng may-ari ng tindahan, “minalas lang siya.”
“Ngayon lang po kasi nailagay riyan, pero pagtakapos ko talaga mag-display, pinapasok ko po iyon sa loob talaga… Wala na po akong magagawa eh, iyon kasi talaga ang patakaran,” ani Pablo Saavedra.
Sa Tandang Sora market, walang naabutang mishandled meat na ikinatuwa naman ni Cabel dahil mukhang natuto na raw ang mga vendor doon.
“Nakinig na ang mga frozen meat dealers, nasa chillers na rin mostly so kaunti na lang nakukuha namin ngayon o nako-confiscate,” aniya.
Ayon sa Quezon City Veterinary Department, matutukoy ang mishandled meat kapag matubig o malangis, malamig, at may mabahong amoy kumpara sa sariwang karne na mamula-mula at walang amoy.
Comments are closed.