MISIS ISINAMA NG BARBERO SA KULUNGAN SA DRUG PUSHING

BATAAN – BALIK-KULUNGAN ang isang barbero, subalit  sa kanyang pagbabalik ay kasama nito ang kanyang misis na isang dating barangay tanod sa kanilang lugar matapos maaktuhan umanong magkasabwat na nagbebenta ng shabu sa isang undercover police sa drug buy bust operation sa Barangay Old San Jose, Dinalupihan.

Batay sa ulat ni Dinalupihan Municipal Police Station, Chief of Police  Supt. Donato Bait kay Bataan Police Director Sr. Supt. Villamor Tuliao, nakilala ang mga naaresto na sina Joseph Timog Espino at Angelita Castro Espino, kapwa residente sa nabanggit na lugar.

Isinailalim sa surveillance ang lalaking suspek makaraang makatanggap umano ng impormasyon ang mga awtoridad na muling nagbalik sa maling gawain ang suspek, kaya ng magpositibo, agad ikinasa ang buy bust.

Aminado ang suspek sa muling paggamit ng droga kung saan giit nito nagawa umanong magbalik sa maling gawain para maipagamot ang sakit umano nitong sinus.

Nakuha sa babaeng suspek ang ilang piraso ng pakete ng hinihinalang shabu na isiniksik umano nito sa loob ng suot na bra.

Nakumpiska sa mag-asawang suspek ang da­lawang malaking pakete at labindalawang me­dium size sachet ng hinihinalang shabu, timabangan at marked money na ginamit sa buy bust.

Kinasuhan na ang mga suspek ng paglabag sa dangerous drug law.   ROEL TARAYAO