(Misis ng dayuhan na may kaugnayan sa African drug ring tiklo) P70-M SHABU NASABAT SA RAID

shabu

LAGUNA – AABOT sa mahigit na P70 mil­yon ang halaga ng shabu na narekober ng pinagsa­nib na puwersa ng pulis at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Region 4A matapos magsagawa ang mga ito ng buy bust ope­ration sa itinuturong safehouse sa Pacita Uno, Lungsod ng San Pedro.

Ayon sa ulat ni PDEA Region 3 Director Lyndon Aspacio, nakilala ang naarestong suspek na si Leonora Ezeigwe, kabiyak ng isang Nigerian at napabibilang sa West African Drug Syndicate, pansamantalang naninirahan sa nasabing lugar.

Samantala, hindi muna pinangalan ng awtoridad ang dalawa pa sa umano’y kasamahan ni Ezeigwe kung saan nakatakdang sumailalim sa isasagawang malalimang imbestigasyon.

Sa ulat ni Aspacio, sinasabing natukoy ng mga ito ang naturang lugar matapos ang ikinasang Intelligence Gathering ng mga ito sa loob ng ilang araw kasunod ang inilatag na buy bust operation gamit ang malaking halaga na pambili ng dalawang kilong shabu.

Lumilitaw na ibinabagsak umano sa lugar ang mga packages na naglalaman ng mga dekalidad na uri ng shabu kung saan nakatakdang ideliver umano ng mga ito sa kanilang katransaksiyon batay na rin umano ito sa atas ng kanyang mister na nagmula pa sa bansang Cambodia na mariin naman nitong pinabulaanan sa harap ng awtoridad dahil wala aniya siyang kinalaman.

Kasalukuyang nakapiit ang itinuturong pa­ngunahing suspek na si Ezeigwe habang patuloy na nagsasagawa ng follow up operation si Aspacio at kanyang mga tauhan para matukoy ng mga ito ang iba pang taong sangkot sa natu­rang malaking sindikato. DICK GARAY