MISIS SINAKSAK NG SELOSONG MISTER

sinaksak

NAHAHARAP nga­yon sa kasong frustrated parricide ang isang mister  matapos saksakin nito sa leeg at katawan ang kanyang misis dahil sa matinding selos sa loob mismo ng kanilang bahay sa Purok Maligaya, Brgy. Tagudin sa bayan ng Mabini, Pangasinan.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Mabini Municipal Police Station, bago ang pananaksak dakong alas-11:00 ng gabi ay nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktimang si Maria Joyce Salvador, at asawa nitong  si Daniel Magno.

Nabatid na matindi umano ang nararamdamang selos ng mister sa misis na umabot sa sukdulang kumuha ito ng kutsilyo sa kusina at binalikan ang asawa at saka inundayan ng saksak.

Nagawang makatakbo sa labas ng bahay ang biktima su­balit hinabol pa rin ito ng saksak hanggang sa magpambuno ang da­lawa nang abutan sila ng mga pulis.

Hindi pa umano nakontento ang suspek ay sinubukan pa nitong hawakan sa leeg ang kaniyang misis ngunit nagawang pumiglas na siyang pagkakataon ng awtoridad para agawin ang patalim at arestuhin ang suspek.

Mabilis namang  dinala sa pagamutan ang ginang upang malapatan ng paunang lunas habang pansamantalang idinitine ang suspek kasabay ng ginagawang pag­hahanda ng kasong frustrated parricide na kahaharapin nito. VERLIN RUIZ

Comments are closed.