MISS UNIVERSE NG PEDRO ‘N COI

Siguro, hindi na ninyo natatandaan ang asul na Love Bus na noon ay siyang pinakasikat na bus sa Pilipinas. Kung hindi mo na maalala, bumisita sa Pedro ‘n Coi. Pag-aari ito ni 2011 Miss Universe 3rd runner-up Shamcey Supsup-Lee at ng asawa niyang negosyanteng si Lloyd Lee, ipinakikilala ng Pedro ‘n Coi ang lahat ng bagay sa Pinoy Pop Culture.

Kitang kita dito ang interiors na makikita sa tipikal na tahanang Pinoy, ito ang resto na pinapayagan ang guests na kumain sa loob ng bus, jeep, house, o kahit sa labas ng kalsadang napapalibutan ng mga bahay. Kapag gusto nang umorder ng guest, sisigaw lang sila ng “Darna!” – ang iconic Pinoy comic book cha­racter na likha ng sikat na manunulat na si Mars Ravelo.

Huwag kalimutang tingnan ang menu at makikita mo rin ang mga sikat na artistang Filipino.

Sa iba, kadirdir ang kumain sa loob ng bus o jeepney, pero sa hindi pa nakakaranas nito, masaya ito.

Ang Pedro ‘n Coi — katawagan kina Lloyd at Shamcey — ay katiba­yang marami tayong kaugaliang hindi makakali­mutan kahit pa panahon na ngayon ng computer.

Heto ang ilang dahilan para dumalaw kayo sa Pedro ‘n Coi: Una, ang double-deck Love Bus. Ang cute, di ba? Asul ang kulay, may puso pang dekorasyon, mga air-conditioned buses na umikot sa Metro Manila noong late 70s at early 80s. Ni-recreate ito sa  Pedro ‘n Coi ang buong love bus kasama na ang windshield, driver’s seat, at  set of wheels.

Nakakatuwang wall accents o mga quirky posters na madalas makita sa kalsada tulad ng wan­ted manlililip, bawal umihi dito, bawal magtapon ng basura at iba pa.

Syempre, ang Orange Jeepney. No doubt, masayang kulay ang orange o yellow. Sa restaurant na ito, ito ang kulay ng baroque jeepney na sikat sa buong Pilipinas. Syempre pa! Ikaw na ang maging Hari ng Kalye!

Okay rin ang mga lumang Pinoy houses, kung saan makakapili ang mga guest sa bahay na capiz ang bintana at masalimuot na patterns sa dingding, plus, furniture pieces na magpapaalala sa inyo ng home sweet home. Huwag kalilimutan ang balkonahe at kusina.

Aba, meron ding sari-sari store! Para naman ito sa quick snack break. Biskwit at softdrinks, o banana cue at samalamig. Gumagamit din sila ng mga probinsiyanong gamit tulad ng sarten, platong losa, palayok at dikin, at iba pa.

May lugar din para sa mga “albolaryo” na gumagawa ng hula at gayuma. At higit sa lahat, suportado nila ang mga Pinoy artists kaya ang music ay OPM o Original Pilipino Music (OPM). O, ano? Try mo?