MISTER NA ITINUTURONG UTAK SA PAGPATAY SA MAG-INA NASA BANSA PA

Atty-Persida-Rueda-Acosta

LAGUNA – Tiniyak ng Public Attorney’s Office (PAO) na nananatili pa rin sa bansa ang mister, na itinuturong siyang utak sa pagpapapatay sa kanyang sariling asawa at isang taong gulang na anak na lalaki, sa loob ng kanilang tahanan sa Laguna noong taong 2016.

Ayon kay PAO chief, Atty. Persida Rueda-Acosta, walang katotohanan ang hinalang lumabas na ng bansa si Richard Sta. Ana.

Sa katunayan, aniya, ay kaagad pang nagtungo sa kanilang tanggapan si Sta. Ana nitong Miyerkoles matapos na pumutok ang ba­litang isa pang suspek sa krimen ang nagturo sa kanya na siya ang mastermind sa pagpapatay sa kanyang misis na si Pearl at kanilang anak na si Denzel.

Si Sta. Ana ay una nang itinuro ng unang nakulong na suspek na si Ramoncito Gallo noong taong 2016 na utak sa krimen, ngunit na-dismiss dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.

Ngayong linggo ay nadakip din si Brian Avistado at itinuro rin si Sta. Ana.

Magugunitang sinabi ni Calabarzon Police Dir. Chief Supt. Edward Caranza na hindi matagpuan si Sta. Ana at tinitingnan ang posibilidad na nag-tungo ito sa Japan kung saan naninirahan ang kaniyang kaanak.

Sinabi rin  ng mga awtoridad na sasampahan nila ng panibagong kaso si Sta. Ana batay na rin sa mga salaysay ni Avestado. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.