MIYEMBRO NG GUN FOR HIRE TIMBOG

kulungan

LAGUNA – INARESTO ng pinagsanib na kagawad ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-4A) Regional Special Operating Team (RSOT) at Mabitac-PNP ang isa sa umano’y mi­yembro ng Talavera Gun for Hire at Gun Running Group sa bayan ng Mabitac, lalawigang ito ka­makalawa.

Base sa ulat ni Laguna-PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta kay Calabarzon-PNP Director PBGen. Vicente Danao Jr. nakilala ang naaresto na si alyas Alfran, 19-anyos, ng Brgy. Bayanihan.

Sa imbestigasyon, sinasabing isinagawa ng nabanggit na pinagsanib na operatiba ang Operation Manhunt Charlie (most wanted person) bitbit ang warrant of arrest kaugnay ng kinasasangkutang kaso ng suspek na attempted murder na ipinalabas ni Hon. Marlyn M Reyes-Agama, Presiding Judge, Branch 33, Siniloan, Laguna, na may inilaang piyansa na umaabot sa halagang P120,000.

Batay pa rin sa talaan ng pulisya, lumilitaw na ang suspek ay sangkot umano sa gun for hire at gun running activities sa lalawigan ng Laguna at napabibilang pa sa number 2 most wanted person municipal level sa bayan ng Mabitac.

Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Mabitac PNP lock up cell para harapin ang mga kasong isinampa sa kanya ng pulisya. DICK GARAY

Comments are closed.