MIYEMBRO NG SALAMAT GANG TIKLO SA P75K SHABU

shabu

CAVITE – REHAS na bakal ang binagsakan ng 33-anyos na high-value target sa drug trade na sinasabing miyembro ng Salamat Criminal Group makaraang makum­piskahan ng P75k halaga ng shabu sa inilatag na anti-drug operation sa bahagi ng Barangay Manggahan, General Trias City, Cavite ka­makalawa ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 ang suspek na si Eufrecinio “Adoy” Bucao Jr. y Barba, driver, may asawa at naka­tira sa #309 Sitio Tinungan sa nabanggit na barangay.

Base sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na naging positibo sa drug trade ang suspek  kaya isinagawa ang drug bust operation ng pinagsanib na puwersa nina P/Lt. Col. Mario Solero at PDEA-4A bandang alas-11:40 ng gabi sa nabanggit na barangay.

Ayon sa ulat, umaktong poseur-buyer ang isa sa mga tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU) laban sa suspek kung saan nasamsam ang 11 gramo ng shabu na may street value na P75k kung saan nakumpiska rin ang drug money na P1,000.

Isinailalim na sa chemical analysis sa Ca­vite Crime Laboratory sa Imus City ang nasamsam na shabu habang pina-drug test at physical examination naman ang suspek na ngayon ay naghihimas ng rehas na bakal sa police detention facility. MHAR BASCO

Comments are closed.