SA LALA ng daloy ng trapiko sa bansa, lalo na’t papalapit na ang Pasko, hindi kataka-takang maraming motorista ang mas pinipiling gumamit ng motorsiklo kaysa kotse dahil kaya nitong sumiksik sa gilid ng mga sasakyan at hindi naiipit sa mabigat na daloy ng trapiko.
Kung tutuusin, marami rin ang naiinis sa mga rider ng motorsiklo dahil sa kakulangan ng mga ito sa disiplina at pag-iingat. Madalas kasi ang pagsingit ng mga ito sa pagitan ng mga sasakyan. Kadalasan, nagiging sanhi na rin sila ng trapiko dahil bukod sa pagsingit, karamihan sa mga ito ay mahilig na mag-counterflow sa mga pangunahing kalsada. Walang magawa ang ibang mga sasakyan kundi magbigay-daan dahil madalas, kahit pagkakamali ng mga motorsiklo ang isang aksidente, nakakasuhan pa rin ang ibang sasakyang naka-disgrasya rito dahil kadalasan, matindi ang pinsalang inaabot ng nakasakay sa motorsiklo.
Bunsod nito, kapag nakababasa o nakakikita tayo ng balita ukol sa mga motorsiklo na sangkot sa aksidente, madalas iniisip natin na marahil ay kasalanan ng rider ng motorsiklo ito. Subalit ang aksidenteng nangyari kamakailan sa kahabaan ng Aurora Boulevard kanto ng Broadway Avenue sa Quezon City ay maituturing na “freak accident”. Hindi naman mabilis ang takbo ng apat na motor dahil ito ay nasa likod ng isang trak na may kargang buhangin na hatak-hatak ng isang tow trak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na malamang ay hindi rin kabilisan ang takbo.
Sa kasamaang palad, bumigay ang tinatawag na tow bar kaya nawala sa pagkaka-kabit ang trak na may kargang buhangin. Nang mawala sa pagkaka-kabit, dumausdos ito paatras sa mga motor na nasa likod. Bagaman nasira ang mga motor, suwerte namang nakaligtas ang tatlong rider. Ang isa ay hindi na pinalad magkaroon ng sapat na oras na makaiwas at napuruhan. Ayon sa mga ulat, umilalim ang nasabing motor sa trak at nadaanan ng malalaking gulong nito na naging sanhi ng pagkamatay ng motorista. Dinala sa ospital ang rider ngunit idineklara rin siyang “dead on arrival”.
Nakatitindig balahibo ang pangyayari dahil kung tutuusin, walang nag-akalang mangyayari ang nasabing aksidente. Walang ideya ang drayber na magbabago na ang kanyang buhay. Maging ang mga motorista na sangkot sa aksidente ay wala ring malay na nasa panganib na pala ang kanilang mga buhay.
Subalit ang mahalagang katanungan dito ay bakit bumigay ang tow bar ng trak ng MMDA na humahatak sa trak na may kargang buhangin? Sino ba ang may responsibilidad na suriin ang kalidad ng mga tow truck, ang drayber ba o may technician/electrician na dapat gumagawa nito? Sino ba ang dapat sumusuri ng kondisyon ng tow trak bago ito lumabas at gamiting panghatak ng mga sasakyan?
Sa kasalukuyan, nakakulong na ang drayber ng trak ng MMDA at mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries at damage to property. Subalit kung iisipin, siya nga ba talaga ang may kasalanan at dapat managot sa aksidenteng hindi rin naman nya ginustong mangyari?
Kailangang imbestigahan ang insidenteng ito upang hindi na maulit muli. Bago lumabas para isabak sa trabaho, dapat siguraduhing nasa maayos na kondisyon ang mga tow truck lalo na ang tow bar dahil kapag ito ang pumalya, gaya sa nangyaring aksidente, talagang mayroong mga madadamay na motorista. Marahil kailangan ding siguraduhing maayos ang pagkakakabit nito sa sasakyang hahatakin.
Minsan, sa ating trabaho, lalo na kung paulit-ulit lamang ang ating ginagawa, masyado tayong nagiging komportable at kampante. Nawawaglit na sa ating isipan ang siguruhing maayos ang kalidad ng ating mga ginagamit na makinarya at kagamitan sa pagtatrabaho – mapa-laptop man yan o tow truck, mahalagang suriin at siguruhin na nasa maayos na kondisyon upang hindi pumalya. Lalo na kung ang kagamitan ay ginagamit para sa serbisyong pampubliko dahil kadalasan, napakalaki ng posibilidad na ang pagpalya ng mga ito ay magreresulta sa pinsala sa ibang motorista.
Siguro nga’t totoo na kapag oras mo na ay oras mo na. Subalit maaari sanang maiwasan ang naturang aksidente kung nasigurong nasa maayos na kondisyon ang tow truck. Nawa’y magsilbing aral din ito sa mga motorcycle rider. Bukod sa pagsusuot ng kumpletong safety gear at maayos na kalidad ng helmet, maging maingat at alerto rin sa ibang sasakyan sa paligid. Iwasan ang pagdikit o pagsunod sa likod ng mga malalaking sasakyan, lalo na yaong may mga kargang buhangin, bakal, at gasolina, upang makaiwas sa ganitong uri ng aksidente.