NAGSIMULA na ang regular na pasukan ng mga mag-aaral kahapon. Bagama’t masuwerte pa tayong mga motorista at mga mananakay dahil hindi pa kahapon ang bulto ng kabuuan ng mga estudyante na mag-umpisa ng kanilang pasukan. Hindi pa gaano matrapik kahapon. Marami pang mga pribadong paaralan ang magbubukas pa lamang ng klase sa susunod na linggo. Ang mga pampublikong paaralan pa lamang ang pormal na nagbukas ng klase kahapon.
Kaya naman ako ay natutuwa na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay nagsagawa ng pagbantay at paghuli ng mga pasaway na tricycle na overloading sa paghahatid sa mga paaralan sa mga estudyante. Ang ibig sabihin ay higit sa tatlo ang kanilang sinasakay sa nasabing maliit na tricycle.
Ako nga ay nabibigla dahil kung minsan ay umaabot sa mahigit na walo ang kanilang sinasakay sa tricycle. Hindi naman kailangan ng isang matalino upang maunawaan na mapanganib ito sa buhay ng mga batang estudyante.
Mahigit na 20 tricycle drivers ang nahuli sa lungsod ng Quezon kahapon ayon kay MMDA chairman Danilo Lim. Kaligtasan ng buhay ang mahalaga rito. Alam naman natin ang pakiramdam kapag tayo ay nasa loob ng tricycle. Wala kang laban kapag ikaw ay nasa loob nito kapag ito ay nasangkot sa isang aksidente. Walang seatbelts. Pulos bakal ang nakapaligid sa ‘yo. Para ka lamang ipinasok sa drum ng tubig. Walang mga ‘cushion’ o malambot na paligid kung sakali maaksidente ng nasabing sasakyan. Walang pinto ang mga ito. Kaya kapag ito ay naaksidente, pihadong tatalsik ka sa labas ng sasakyan. Kaya naman mahigpit na ipinagbabawal ang overloading ng mga tricycle.
Nagtataka naman ako sa mga magulang ng mga mag-aaral. Bakit naman nila pinapayagang sumakay ang kanilang mga anak sa overloaded na tricycle. Alam naman natin lahat na mapanganib ito. Maliban pa riyan ay ang iba sa mga tricycle ay may lakas ng loob na gumamit ng mga national road kung saan maraming mabibilis at malalaking sasakyan ang gumagamit nito. Alam din naman nila na bawal ang mga tricycle sa national road.
Ganun pa man ay makikita mo sila na bumabagtas sa kahabaan ng Commonwealth Ave., Katipunan Ave., Mindanao Ave. at iba pang malalaking kalsada sa kabuuan ng Metro Manila. Ang tanong ay bakit sila pinapayagang bumagtas sa mga nasabing mga lansangan? Bawal sila doon ‘di ba? Mahirap ba sa mga traffic enforcer na malaman ang kaibahan ng hitsura ng tricyle sa regular na apat na gulong na sasakyan?
Malaking bahagi rin ang ginagampanan ng mga LGU tungkol sa mga kalakaran ng mga tricycle sa kanilang lugar. Ang mga LGU kasi ang nagbibigay permiso upang mag-operate ang mga ito. Kumbaga, sila ang parang LTFRB ng mga pampasaherong jeep, taxi at bus. Sila ang nagre-regulate ng dami at prangkisa ng mga tricycle. Sila dapat ang tumitingin ng mga ito.
Ang mga tricycle ba sa kanila ay sumusunod sa napag-usapang ruta? Wasto ba ang singil nila? Nakarehistro ba bilang pampublikong sasakyan ang motorsiklo na ginagamit nila sa kanilang tricycle o kolorum lamang ang karamihan dito. Ang pinakahuli sa lahat at malinaw na nakita ng MMDA ay ang overloading ng mga pasahero. Ano ang mga aksiyon na gagawin ng LGU ngayon na malinaw na lumabag sila sa batas?
Hoy! Mga bagong halal ng opisyal ng mga LGU, reelected man kayo o mag-umpisa pa lamang ng panunungkulan ninyo nitong Hulyo, pagtuunan naman sana ninyo ng pansin ito. Malaking bahagi rin ang mga tricycle sa pagsikip ng trapik sa atin.
Comments are closed.