SA harap ng sunod-sunod na kalamidad, muling ipinamalas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang kahandaan at malasakit sa kapwa Pilipino.
Sa pagkakataong ito, tumulak ang isang 15-man humanitarian contingent patungong Catanduanes upang magdala ng malinis na tubig sa mga residente na naapektuhan ng Super Typhoon #PepitoPH.
Pinangunahan nina MMDA Chairman Atty. Don Artes at iba pang opisyal ang send-off ng grupo sa Villamor Air Base, Pasay City.
Bitbit ng koponan ang 40 solar-powered water filtration units na kayang mag-filter ng 180 galon ng tubig kada oras—isang napakahalagang hakbang upang tugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga nasalanta. Ang inisyatibong ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad na maipadala ang mga water filtration units upang makatulong sa mga nangangailangan.
Bukod dito, patuloy ang MMDA sa pagsusumikap na gawing mas mabilis at mas sistematiko ang kanilang responde sa mga kalamidad.
Sa tulong ng makabagong teknolohiyang, mas madaling matutukoy ang lokasyon ng mga emergency vehicles, kagamitan, ospital, at evacuation centers sa buong Metro Manila.
Kaya sa ganitong paraan, mas mabilis na makakatulong ang mga lokal na pamahalaan sa mga nangangailangan, lalo na kung may kakulangan sa resources ang ibang lungsod.
Ininspeksyon din ni Atty. Artes ang iba’t ibang kagamitan ng ahensiya, kabilang ang mga bangka, life vests, modular tents, at iba pang emergency equipment na handa nang gamitin sakaling dumating ang bagyo.
Makikita na sa kabila ng mga hamon, nananatiling fully operational ang 71 pumping stations ng MMDA, na isa sa mga pangunahing depensa laban sa pagbaha.
Hindi lamang sa panahon ng sakuna nakikita ang malasakit ng MMDA.
Aba’y aktibo rin ang ahensya sa pagsugpo sa mga isyu sa kalunsuran, tulad ng pagsulong ng resolusyon laban sa “human reservation” ng mga parking slots.
Layunin nitong maiwasan ang mga insidente ng alitan at gulo, kasabay ng pagpapabuti ng kaayusan sa Metro Manila.
Ang lahat ng ito ay bahagi ng patuloy na hangarin ng MMDA na magbigay ng serbisyong totoo sa bawat Pilipino.
Ngunit higit sa lahat, nananawagan si Atty. Artes sa mamamayan na makiisa at sumunod sa mga tagubilin ng awtoridad sa panahon ng kalamidad.
Aniya, “Prayoridad dapat ang buhay.”
Sabi nga, sa diwa ng bayanihan at sa tulong ng modernong teknolohiya, patuloy na nagpapakita ng malasakit at kahandaan ang MMDA upang tugunan ang pangangailangan ng bawat Pilipino.
At sa ganitong pagkilos, makikita na ang tagumpay sa harap ng anumang hamon ay nakasalalay sa pagkakaisa at pagtutulungan ng gobyerno at mamamayan.