MMFF 2018

FRANICS TOLENTINO

LIKAS sa ating mga Filipino ang pagkahilig sa panonood ng mga pelikulang sumasalamin sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay. Ang mga pelikulang ito ang naglalarawan sa masasaya, at malulungkot na kabanata ng ating buhay, ang ating mga tagumpay at kabiguan, ang ating mga pangarap.  Kung kaya nga’t tuwing buwan ng Disyembre, tunay na malaking kapistahan ang Metro Manila Film Festival para sa mga Filipinong manonood.

Ang taong 2018 ang ika-44 na edisyon ng MMFF. Unang idinaos ang MMFF o Manila Film Festival noong 1966 sa pangunguna ng noo’y punong lungsod ng Maynila na si Antonio Villegas. Taon-taon mula noon, ginaganap ang filmfest upang bigyang halaga ang sining ng pelikulang Filipino at ang mahalagang papel na ginagampanan nito sa paglago ng sining at kultura sa ating bansa. Bagama’t noong una’y hindi pa gaanong tinangkilik ng mga mamamayan, sa kalaunan ay naging taunang pagdiriwang na ang MMFF na nakapagtampok ng mga dekalidad na pelikula at nagpatanyag sa napa-karaming mga artista.

Kinasasabikan tuwing buwan ng Disyembre ang Metro Manila Film Festival. Bukod sa pagkakataong mapanood ang mga iniidolong artista, isang pagkakataon din ang Metro Manila Film Festival upang maitanghal ang husay ng ating mga lokal na artista sa lara­ngan ng pelikula. Bukod sa tagisan ng kakayahan sa pag-arte, ang MMFF ay nagtatampok din ng malikhaing kaisipan, ma­yamang kultura at likas na pagmamahal sa sining ng mga Filipino.

Sa taong ito, walong pelikula ang aabangan ng mga manonood at tiyak na hindi lamang magbibigay saya sa sambayan kundi mas magpapatingkad pa sa kasalukuyang kulay ng industirya ng pelikula.  Ang mga pelikulang ito ay ang mga su-musunod: (1) Aurora na pinagbibidahan ni Anne Curtis; (2) The Girl in the Orange Dress nina Jericho Rosales at Jessy Mendiola; (3) Fantastica: The Princess, the Prince and the Perya kung saan tampok si Vice Ganda; (4) Jack en Popoy  the Puliscredibles nina Vic Sotto at Coco Martin; (5) Mary, Marry Me nina Sam Milby, Toni Gonzaga  at Alex Gonzaga; (6) One Great Love nina Kim Chiu at Dennis Trillo; (7) Otlum na pinagbibidahan nina John Estrada, Ricci Rivero at Jerome Ponce; at (8) Rainbow’s Sunset nina Gloria Romero, Eddie Garcia at Tony Mabesa.

Ang Metro Manila Film Festival ay hindi lamang upang magbigay-aliw sa mga mano­nood kundi naglalayon ding maiangat ang antas at kalidad ng pelikulang Filipino sa bawat taon.  Ang mga pelikulang napipili ay dumaraan sa masusing pagkilatis ng mga hurado upang masiguro na ang maihahan-dog sa sambayanang Filipino ay mga pelikulang sasalamin sa ating mga katangian bilang Filipino, magpapaunlad sa kaisipan, lalo ng ating mga kabataan, at magpapatibay pang lalo sa ating pagkakabigkis bilang isang sambayanan.

 

Comments are closed.