UNTI-UNTI nang naisasakatuparan ng kasalukuyang administrasyon ang kanilang pangakong solusyon sa problema sa trans-portasyon ng ating bansa. Ayon sa mga balita, tuloy-tuloy rin ang pag-andar ng iba pang imprastrakturang pang-transportasyon gaya ng NLEX-SLEX Connector Road at ng Manila Harbour Link.
Tayo ay mapalad na magkaroon ng pangulong may magandang plano para sa bansa at may kakayahang isakatuparan ang mga ito. Kasama sa kanyang plano ang pagkakaroon ng makabago at maayos na sistema ng transportasyon para sa Mega Manila sa abot-kayang halaga pagdating ng taong 2030.
Ayon sa Japan International Cooperation Agency (JICA), kung walang gagawing aksiyon ang gobyerno, tinatayang aabot sa P6 bilyon kada araw ang kabuuang gastos ng bansa sa transportasyon pagdating ng taong 2030. Ang mga manggagawang Filipino na kumikita ng minimum wage ang pinakatatamaan kung ang pagsikip ng mga daan sa Metro Manila ay magtutuloy-tuloy hanggang 2030. Nakakapangamba ang datos na ito ngunit ito ang realidad na kakaharapin nating lahat kung walang gagawing aksiyon ang gobyerno upang masolusyonan ang ating lumalalang problema sa transportasyon.
Lumabas din sa pag-aaral ng JICA na hindi bababa sa 20% ng kabuuang kita ng mga mahihirap na pamilya sa bansa ang napupun-ta sa transportasyon. Pagsapit ng taong 2030, mas tataas pa ang alokasyon na kakailanganin para sa transportasyon ng mga mahihirap na pamilya dahil sobra pa sa doble ang itataas ng gagastusin sa pamasahe.
Sa 50 na proyektong pang-imprastraktura ng kasalukuyang administrasyon, 28 ay ukol sa transportasyon. Bunsod nito, na-pipinto na ang mabilis na pag-unlad at paglago ng ating ekonomiya.
Nito lamang buwan ng Mayo ay nag-anunsiyo ang gobyerno ng mga progreso ukol sa mga proyektong pangtransportasyon. Sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor, inuumpisahan na ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapabuti ng ating trans-portasyon sa pamamagitan ng mga mahahalagang proyektong may kinalaman sa rail transport.
Isang magandang balita naman na matapos ang pagkaantala ng proyekto dahil sa mga isyu ng regulasyon at problema sa pagkuha ng right of way, ang DOTr at ang operator ng LRT-1, ang Light Rail Manila Corp (LRMC), ay opisyal nang inumpisahan ang proyek-tong magpapahaba sa LRT-1 mula Baclaran hanggang Bacoor, Cavite.
Ang mga mananakay mula sa South ang makikinabang sa proyektong ito, partikular na ang mga taga-Las Piñas, Parañaque, at Ca-vite. Paiikliin nito ang araw-araw na biyahe mula at papunta sa opisina o paaralan ng mga mananakay.
Upang makasigurong walang magiging problema ukol sa relokasyon ng mga pasilidad ng koryente sa mga lugar na pagtatayuan at dadaanan ng mga imprastrakturang pangtransportasyon, pumirma ang DOTr at ang Meralco ng Memorandum Agreement (MOA). Ilan sa mga proyektong ito ay ang mga sumusunod: LRT-1 Cavite Extension, Unified Common Station, MRT-7, Metro Manila Subway, North-South Commuter Railway System, at ang Philippine National Railways (PNR) South Long Haul.
Nakikipagtulungan din ang DOTr sa D.M. Consunji Inc. (DMCI) at sa Japanese partner nito na Taisei Corp. upang masimulan na ang ikalawang bahagi ng 38-km Philippine National Railways (PNR) Clark Phase 1. Pagdudugtungin ng proyektong ito ang Tutuban, Manila at ang Malolos, Bulacan. Kapag natapos na ang proyektong ito, inaasahang aabot sa 300,000 katao ang maseserbisyuhan nito kada araw. Paiikliin din nito ang biyahe papunta at pabalik sa dalawang lugar na nabanggit. Mula sa isa’t kalahating oras, ito ay magi-ging 35 minuto na lamang.
Kabilang sa proyektong pang-imprastraktura na ‘Build Build Build’ ang North-South Commuter Railway (NSCR). Ito ay isang suburban na railway networking system na may haba na 163 km. Pagdudugtungin ng nasabing proyekto ang Tarlac at Pampanga sa Norte, Calamba, Laguna sa Timog, at ang Metro Manila.
Noong nakaraang linggo, inaprubahan ng Asian Development Bank (ADB) ang $2.75 bilyong pasilidad para sa pondo ng Malolos-Clark Railway Project na sasaklaw sa dalawang seksiyon ng NSCR. Sa ilalim ng pasilidad na ito, $1.3 bilyon ang ilalaan sa proyektong nabanggit ngayong taon. Pagdating ng 2022, dalawang seksiyon naman ang susunod. Kasama ang JICA sa magpopondo sa proyektong ito.
Sinabi ng isang tagapamahala ng ADB na kapag natapos na ang Malolos Clark elevated railway, malaki ang maidudulot nitong pagbabago lalo na’t modernong teknolohiya ang gagamitin sa paggawa nito. Walang duda na mapapagaan nito ang araw-araw na bi-yahe ng mga mananakay. Bukod pa rito, maaari rin itong magbigay-daan sa mga potensiyal na imbestor sa mga umuunlad na lugar gaya ng Clark dahil mas madali na itong puntahan mula sa Maynila.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, magkakaroon ng ligtas at maaasahang pampublikong sasakyan sa abot-kayang halaga ang tina-tayang 342,000 pasahero kada araw na bibiyahe sa rutang Manila-Clark. Humigit kumulang 696,000 pasahero kada araw ang bibiyahe sa Calamba pagsapit ng 2025. Iikli ang biyahe papunta sa Clark. Wala pang isang oras ang biyahe kumpara sa dalawa na minsan ay nagiging tatlong oras pa kapag bumiyahe ka sa kasalukuyan gamit ang kotse o bus. Sa 2022, tinatayang mag-uumpisa nang bahagya ang operasyon ng nasabing proyekto.
Ang Malolos-Clark Railway ay magkakaroon ng pitong istasyon kasama ang isang istasyon na direktang nakadugtong sa Clark In-ternational Airport. Sa kasalukuyan, itinatayo ang ikalawang terminal ng Clark upang ma-triple ang kapasidad ng nasabing paliparan mula sa kasalukuyang 4.2 milyong pasahero patungo sa 12 milyong pasahero pagsapit ng 2020.
Bunsod ng proyektong ito, magiging isang opsiyon para sa mga turista at mga bumibiyahe para sa trabaho ang Clark International Airport. Bilang resulta, maiibsan ang dami ng pasaherong dumadagsa sa Ninoy Aquino International Airport sa Manila. Sa kasalu-kuyan kasi, sobra na ng 20% sa kapasidad ng paliparan ang kabuuang bilang ng mga pasaherong sineserbisyuhan nito.
Ang pagkakaroon ng transportasyong rail ay magbibigay-daan sa pag-unlad ng mga lugar na madadaanan ng linya nito. Dahil sa mahusay at mabilis na transportasyon, maaari itong magamit sa pangangalakal at sa negosyo. Maaari rin itong magbukas ng pinto sa mga panibagong trabaho sa mga residenteng malapit sa mga istasyon. Sa ilalim ng mapagpursiging gobyerno, kasama ang matatag na suporta mula sa pribadong sektor, malaki ang pag-asang hindi magtatagal ay mabibigyan na ng solusyon ang problema ng ating bansa sa transportasyon.
Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Patuloy tayong maniwala at magtiwala – maniwala na mayroon pang pag-asa ang ating bansa at magtiwala sa ating gobyerno na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang maibsan ang ating kinakaharap na problema sa transportasyon. Sa halip na maging kontrabida, tayo ay sumuporta. Sa halip na punahin ang mali, ating pansinin ang mga progreso ng iba’t ibang proyekto ng gobyerno na naglalayong pagaanin at pabutihin ang ating araw-araw na karanasan sa pagbiyahe.
Comments are closed.