MODERNONG SOCIO-CIVIC CENTER ITINAYO PARA SA SENIORS AT PWD

CAVITE – PINASINAYAAN ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang ika-41 na Socio-Civic Center, tatlong taon matapos ang groundbreaking nito noong Oktubre 2021 na ang disensyo ay senior citizen and person with disability- friendly.

Ang tatlong-palapag na modernong istraktura ay itinayo na may P50 milyon na gawad mula sa PAGCOR at ito lamang ang socio-civic na pasilidad na may pan­dagdag na pondo mula sa pamahalaang lungsod, na nagdala sa kabuuang halaga ng proyekto sa P110 milyon.

Ito rin ang nag-iisang socio-civic na pasilidad na nilagyan ng elevator upang higit na matulungan ang mga matatanda at mga PWD.

Pinangunahan ni PAGCOR VP for Corporate Social Responsibility Group Ramon Stephen Villaflor at Dasmariñas City Mayor Jennifer Barzaga ang pag-unveil ng makabagong istraktura sa Sitio Buwisan, Barangay Langkaan II.

“Nang isagawa na­min ang groundbreaking ceremony para sa socio-civic center na ito ilang taon na ang nakararaan, hindi namin inasahan na magiging structure of excellence ito tulad ng pinasinayaan namin,” sabi ni Villaflor.

Samantala, nagpasalamat naman si Mayor Barzaga sa PAGCOR sa pagbibigay ng malaking pondo para sa pagpapatayo ng gusali, na hindi lamang magsisilbing evacuation facility kundi maging venue para sa iba’t ibang aktibidad ng komunidad.

“Kami ay nagpaabot ng aming lubos na pasasalamat sa PAGCOR sa pagpopondo sa pagtatayo nitong makabagong socio-civic cen­ter sa ating lungsod,” ani Barzaga.

SID SAMANIEGO