LAGUNA – NASAWI matapos magawa umanong manlaban sa mga kagawad ng Calamba City-PNP Warrant Officer and Intel Operatives ang 26-anyos na lalaki na napabibilang sa most wanted person sa lugar habang naghahain ang mga ito ng warrant of arrest na nauwi sa engkuwentro sa Cuervo II, Brgy. Real, lungsod na ito kahapon ng madaling araw.
Ayon sa ulat ni PLt. Col Jacinto Malinao, hepe ng pulisya kay Laguna PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang napatay na suspek na si Mark Anthony Mendoza Salvatierra, binata, residente ng Brgy. Parian, lugar na ito.
Sa imbestigasyon, bandang alas-2:35 ng madaling araw nang magkasa ng Operation Manhunt Charlie ang nabanggit na operatiba sa lugar bitbit ang warrant of arrest kaugnay ng kinasasangkutang kaso ng suspek na robbery at illegal drugs.
Lumilitaw na habang aktong papalapit ang pulisya nang hindi inaasahang pagbabarilin sila ng suspek dahilan para gumanti ang mga ito ng putok.
Binawian ng buhay sa mismong pinangyarihan ng insidente ang suspek bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa kanyang katawan.
Sa talaan, napag-alaman na dati ng napiit ang suspek kaugnay ng kaso ng pagtutulak nito ng droga kung saan nagawa nitong makalaya.
Bukod aniya rito ang kinakaharap pa nitong serye ng kaso ng Akyat Bahay sa lugar kung saan kalimitan pa umanong ginagamit nito sa kanyang mga ilegal na gawain ang dalawang menor de edad na lalaki.
Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng insidente ang kalibre .38 baril na ginamit ng suspek at iba pang personal na kagamitan. DICK GARAY
Comments are closed.