MOTORCYCLE EDUCATION KAILANGAN TUNGO SA MAS LIGTAS NA LANSANGAN

KAPANSIN-PANSIN ngayon ang popularidad ng mga motorsiklo sa ating bansa bilang solusyon ng mga commuter sa araw-araw na mabagal na daloy ng trapiko.

Kumpara kasi sa mga sasakyan, mas mabilis ang transportasyon gamit ang mga motorsiklo sapagkat kayang-kaya ng mga itong sumiksik at sumingit sa maliliit na espasyo sa kalsada. Mas mura rin ang mga ito kaya naman parami na nang parami ang naeengganyong bumili ng kanilang mga sariling unit.

Dahil din sa popularidad ng mga motorsiklo kaya tinangkilik ang mga motorcycle taxi company katulad ng Angkas, JoyRide, at MoveIt.

Sa kabila nito, tumataas din ang bilang ng aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorsiklo. Noong 2022 lamang, nakapagtala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 24,000 motorcycle-related accidents na naging sanhi ng pagkasawi ng 258 na indibidwal.

Patuloy naman ang MMDA sa paggawa ng mga inisyatiba upang mas maging ligtas ang ating mga kalsada sa Metro Manila. Kabilang na rito ang paglalaan ng mga motorcycle lane sa mga pangunahing lansangan, pati na rin ang paglalayong bigyang edukasyon ang mga rider upang sila ay maging ligtas sa pagmamaneho sa pamamagitan ng Motorcycle Riding Academy.

Sa ilalim ng Motorcycle Riding Academy, bubuo ang MMDA ng technical working group na gagawa ng komprehensibong kursong tatawaging Motorcycle Safety Training Course module para sa mga baguhan at beteranong rider ng motorsiklo. Nakapaloob sa kursong ito ang iba’t ibang impormasyon gaya ng iba’t ibang uri, katangian, paraan ng pag-kontrol at operasyon ng motorsiklo.

Bahagi rin ng kurso ang impormasyon ukol sa pag-iwas sa mga mapanganib na sitwasyon at ang pag-unawa sa panganib na dala ng paggamit ng motorsiklo.

Isa rin sa mahahalagang ituturo sa akademyang ito ang pagsasanay ukol sa emergency response para sa mga rider ng motorsiklo.

Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, ang Metro Manila Riding Academy ang magiging sentro ng edukasyon para sa mga gumagamit ng motorsiklo.

Isa ito sa mga napakagandang inisyatiba ng MMDA na dapat nating suportahan at samantalahin, lalo pa at hindi nawawala sa mga balita ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorsiklo.

Sa ilalim ng Motorcycle Riding Academy, mabibigyan ang mga baguhang drayber ng edukasyon ukol sa mas ligtas na pagmamaneho, at “refresher” na rin para sa mga matagal nang nagmamaneho.

Dapat din na gawin itong pangkalahatan upang mapabilang ang mga kabataan at mga nasa edad na estudyante na natukoy na mas agresibo sa pagmamaneho at mas madalas maaksidente sa motor.

Napakahalagang mabigyan ng tamang impormasyon at edukasyon ang bawat isa sa kahalagahan ng pag-iingat sa labas ng ating tahanan upang magkaroon tayo ng mas ligtas na lansangan para sa ating mga mamamayan, lalo na sa mga taga probinsya na tila ba ay naging kampante na sa pagmamaneho na walang proteksiyon.

Mapalalakas lamang ang implementasyon ng programang ito kung magkakaroon tayo ng enabling law na hindi lamang para sa Metro Manila, kundi para sa buong bansa.

Sana ay tutukan ito ng ating pamahalaan at gawing ehemplo ang inisyatibang ito ng MMDA upang mapababa ang bilang ng mga nasasawi dahil sa aksidente. Oras na para hubugin ang ating mga drayber upang maisalba ang mga buhay, at higit sa lahat, mapanatiling buo ang mga pamilya.