MOTORNAPPER INALAT SA CHECK-POINT

magnanakaw

BULACAN – ISANG rider na tirador ng motorsiklo ang napatay makaraang kumasa sa inilatag na police check-point nang tutukan ng baril at tangayin ang motorsiklo ng kanyang biniktima bago nakorner sa Barangay Perez, Meycauayan City.

Base sa report kay P/Col.Emma Libunao, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, nakilala ang suspek na si alyas Dar, nasa 20-25 ang edad, medium built na namatay sa lugar ng insidente bunga ng tinamong tama ng bala sa kanyang katawan.

Dakong alas- 12:25 ng madaling araw nang maganap ang insidente makaraang tutukan ng baril ng suspek ang isang lalaking bibili lamang ng pagkain sa Barangay Perez saka tinangay ang motorsiklo nito at tumakas.

Kaagad na humingi ng tulong sa awtoridad ang biktima at kanyang katulong na kaagad nagsagawa ng Oplan Sita hanggang matiyempuhan ang suspek lulan ng kinarnap niyang motorsiklo at sa halip na huminto sa check-point ay bumunot ito ng baril sa kanyang sling bag at pinaputukan ang awtoridad na nakasuot ng bullet proof.

Dito na napilitang gumanti ng putok ang pulisya at mapatay ang suspek at marekober sa kanya ng Bulacan SOCO Team ang isang caliber .38 revolver na kargado pa ng tatlong bala, isang pakete ng shabu at ang kinarnap na kulay berdeng motorsiklo na walang plaka at sling bag na naglalaman ng personal nitong kagamitan.

Ang napatay na suspek ang tinutukoy na sangkot sa serye ng motornapping sa Meycauayan City at kalapit-lugar habang patuloy na inaalam kung anong grupo ng carnapping syndicate ang kinasangkutan nito. MARIVIC RAGUDOS

Comments are closed.