BUHAY pa ang tsansa ng Mindoro-EOG Burlington na makausad sa playoff nang tuldukan ang kampanya sa pool stage sa impresibong 87-73 panalo laban sa Gen San sa Chooks-to-Go Maharlika Pilipinas Basketball nitong Linggo sa Mall of Asia Arena.
Hataw si Allen Liwag sa naiskor na 23 puntos at 14 rebounds para mapatatag ng Tamaraws ang target na playoff slot sa liga na may basbas ng Games and Amusements Board (GAB).
Umarya ang EOG-backed team sa ikatlong yugto ng laro kung saan napatatag nila ang 23 puntos na bentahe sa 58-35, tampok ang layup ni Nat Cosejo, may 7:05 sa laro.
“We did our part in terms of the elimination round,” pahayag ni Tamaraws head coach Britt Reroma. “We finished the eliminations on a high note, with a win, we achieved that goal but it’s now beyond our control.”
Bunsod ng panalo, umarya ang Mindoro sa 4-1 sa Pool D – isang panalo ang bentahe sa Imus (3-1) at Manila (3-1). Ang kabiguan ng Imus o Manila sa kanilang laro bukas ang magseselyo sa Tamaraws sa playoff. Kung magkakaroon ng three-way tie, laglag ang Mindoro sa quotient system.
“Ang nasa isip na lang namin is magdasal, sana sa dalawang team na maglalaro bukas, isa lang naman don sana matalo. Alam naman natin na this is a competitive league so knowing ‘yung mga kalaban nila, I’m sure they’re gonna give their best,” sambit ni Reroma.
Kumasa si Jeramer Cabanag ng 16 puntos, apat na assists at dalawang rebounds.
Nanguna naman si Ronjay Buenafe sa Warriors (1-4) na may 20 puntos.
Sa resulta ng laro nitong Sabado, nanatiling buhay ang tsansa ng Val City-MJAS Zenith nang gapiin ang Sarangani, 77-73. Tangan nila ang 2-2 karta sa Pool C, habang laglag ang Sarangani sa 1-3.
Ginapi naman ng Bicol-LCC Malls ang Marikina, 86-65, para makakuha ng playoff slot sa Pool B. EDWIN ROLLON
Iskor:
Mindoro-EOG Burlington (87) – Liwag 23, Cabanag 16, Cosejo 9, Koga 9, Villapando 8, Baetiong 7, Saldana 5, Mallari 4, Castro 3, Mariano 3, Caldozo 0, Matias 0.
Gen San (73) – Buenafe 20, Masaglang 18, Mondragon 9, Raymundo 9, Anderson 6, Ramirez 6, Apreku 3, Ongteco 2, Mag-isa 0, Chan 0, Pangilinan 0.
QS: 20-16, 44-35, 67-55, 87-73.