MPBL HANDA NA SA SUBIC

Kenneth Duremdes

MAKALIPAS ang isang taon, sa wakas ay ipagpapatuloy na ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ang mga nalalabing laro sa Lakan Cup season sa Miyerkoles sa pamamagitan ng pares ng do-or-die matches na lalaruin sa isang bubble sa Subic Bay stadium.

Sinabi ni Commissioner Kenneth Duremdes na nakahanda na ang lahat para sa regional basketball league na ang playoffs ay kinansela noong nakaraang taon kasunod ng outbreak ng COVID-19 pandemic.

“The MPBL is ready 100 percent, but again all of this is new for us. Lahat bago sa amin, even for the players,” pahayag ni Duremdes mula sa kanyang quarantine room sa Subic sa Philippine Sportswriters Association (PSA) online Forum

“We know that we are ready, but we are facing a lot of challenges.”

Ang lahat ng koponan at league personnel ay sumailalim sa quarantine matapos na mag-swab test. Ang mga may negative results lamang ang pinayagan sa bubble alinsunod sa  guidelines at protocols na inisyu ng Department of Health (DOH).

Ang MPBL delegation ay pumasok sa Subic nang pangkatan, kung saan ang defending champion San Juan at Davao ang unang dumating noong Biyernes at ang iba ay noong Lunes, kabilang ang Makati at Basilan.

Ang aksiyon sa South Division Finals ay magsisimula sa alas-4 ng hapon kung saan magsasagupa ang  Basilan Steel at ang Davao Occidental Tigers. Susundan ito ng salpukan ng San Juan Knights at Makati Super Crunch sa alas-7 ng gabi para sa North Division Finals.

Ang unang laro ay mapapanood nang live sa A2Z, habang ang ikalawang laro ay sa Facebook.

Ang dalawang best-of-three series ay kapwa tabla sa 1-1 bago suspendihin ang season.

“Parehong do-or-die ito na division finals. Matalo dito uwi na agad,” pagbibigay-diin ni Duremdes.

“So, imagine ‘yung sacrifices talaga ng mga players and team owners. Biro mo ang dami mong process na dinaanan, pero matalo ka uwi ka na agad.”

Ang lahat ng koponan ay nilimitahan sa 22-man contingent, habang ang mga nasa loob ng playing gym ay ire-regulate sa 100 katao.

“Most likely nandoon lang sa more than 100 person (in the gym), kasi ‘yun ang nasa guidelines ng DoH,” dagdag ni Duremdes.

Hindi pa nagko-commit si MPBL founder at  benefactor Manny Pacquiao kung pupunta siya sa Subic para manood ng mga laro.

“‘Yun pa ang ina-alam namin kung pupunta siya sa Division Finals or National Finals na. ‘Yun ang mino-monitor namin kung ano ang pasok niya rito,” sabi ni Duremdes.

One thought on “MPBL HANDA NA SA SUBIC”

Comments are closed.