SA KABILA ng pagiging isa sa pinakamaliit na player sa court sa taas na 5-foot-6, naging sandigan ng San Juan-Go for Gold si Orlan Wamar sa pananalasa nito sa three-point area.
Nagpasabog si Wamar ng career-high 21 points sa mainit na 6-of-10 clip sa 3-point line upang tulungan ang kanyang koponan na dispatsahin ang Navotas Uni-Pak Sardines, 112-95, at kunin ang solo first place sa 2019-20 Chooks-to-Go MPBL Lakan Season noong Lunes.
“Kailangan ko talagang magsipag dahil ganito ‘yung height ko, maliit lang, so kailangang maging threat ako sa three points,” wika ng dating CEU standout, na 21-anyos pa lamang.
Ito ang unang pagkakataon na nagtala siya ng double figures sa points kung saan sa kanyang unang 10 laro, ang spitfire guard ay may average lamang na 3.6 points sa 28.9 percent shooting, kabilang ang mahinang 21.2 percent mula sa downtown.
Sa iba pang laro, nanatili sa kontensiyon ang Nueva Ecija nang malusutan ang Batangas-Tanduay, 85-81, habang nagpasiklab ang Manila-Frontrow sa harap ng kanilang home crowd nang durugin ang Rizal-Xentro Mall, 116-89.
Comments are closed.