MAGIGING panauhin ang mga player at coach ng Nueva Ecija at Zamboanga City sa session ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum ngayong Martes.
Ang dalawang koponan ay magsasalpukan sa 2022 MPBL National Finals na magsisimula sa weekend.
Sina Rice Vanguards coach Jerson Cabiltes at Zamboanga Family’s Brand Sardines counterpart Vic Ycasiano ay sasamahan ng ilan sa kanilang players sa 10:00 a.m. public sports program upang talakayin ang tsansa ng kani-kanilang koponan sa best-of-five title series.
Dadalo rin ang MPBL officials, sa pangunguna nina commissioner Kenneth Duremdes at league coordinator Joe Ramos, sa session na gaganapin sa Philippine Sports Commission (PSC) ground floor.
Ang Rice Vanguards ang itinanghal na North Division champion makaraang malusutan ang San Juan Knights sa kanilang best-of-three conference finals.
Naungusan naman ng Zamboanga ang Batangas City Embassy Chill sa tatlong laro para kunin ang South Division title.
Ang Game 1 ng National Finals ay nakatakda sa Biyernes (Dec. 2) sa Nueva Ecija Coliseum sa Palayan City.
Hinihikayat ni PSA president Rey Lachica, sports editor ng Tempo, ang mga miyembro na makibahagi sa face-to-face session na naka-livestream din via PSA Facebook page fb.com/PhilippineSportswritersAssociation at mapakikinggan sa delayed basis sa Radyo Pilipinas 2, na isini-share din ito sa kanilang official Facebook page.