CEBU CITY – Sa maaaring huling home game niya para sa 2019-20 Chooks-to-Go/MPBL Lakan Cup, siniguro ni PBA-bound Will McAloney na bigyan ang kanyang mga kapwa Cebuano ng perfect Christmas gift.
Pinangunahan ng University of San Carlos product ang pag-atake, sa pagbuhos ng 19 points sa 7-of-10 shooting na sinamahan ng 15 rebounds at 2 blocked shots upang igiya ang Casino Ethyl Alcohol-backed squad sa 72-66 upset win laban sa GenSan sa SWU-Aznar Coliseum dito.
“Sobrang saya kasi mas lalong merry ‘yung Christmas namin. Iniisip ko kasi ‘yung magawa ko ‘yung trabaho ko at ano ang maitutulong ko sa team,” wika ni McAloney.
Gagawin muna ni McAloney, na napili bilang 15th overall pick ng NLEX Road Warriors sa 2019 PBA Regular Draft, ang kanyang tungkulin sa Cebu bago sumampa sa pro-ranks.
At kahit natupad na ang matagal na niyang pangarap, ang 6-foot-5 bruiser ay nangakong gagawin ang lahat ng kanyang makakaya upang pangunahan ang koponan na humasa sa kanya upang maging ‘best player’ sa playoffs.
“Sobrang saya kasi dati pinapangarap ko lang na maging player at makilala sa lugar namin e, ngayon parang marami na naka-kakilala sa akin,” wika ni 26-year-old McAloney.
“All out naman ako every game kasi kung wala ‘yung team Cebu ‘di rin naman ako magiging ganito at every game ibibigay ko yung one-hundred percent ko. Of course, dream ko makapag-PBA talaga, pero tutulungan ko pa rin ‘yung team ko na makapasok sa playoffs.”
Tinulungan ni McAloney ang Cebu na iposte ang 10-12 kartada sa Southern Division upang manatili sa kontensiyon para sa playoffs.
Comments are closed.