GRABE ‘yung ipinakita ni Mac Tallo sa kampo ng Bacolod sa MPBL. Napili siyang ‘Best Player of the Game’ sa pagkamada ng 31 points. Tinalo ng Bacolod ang Mindoro Tamaraws kamakalawa sa San Andres Sports Complex. Iba ang laro ni Tallo, puwedeng-puwede siyang bumalik sa PBA. Si Tallo ay dating player ng NLEX Road Warriors. Sa kilos at galaw nito ay kayang-kaya niyang makipagsabayan sa mga player ng professional league. Congrats kay Tallo at sa team niya. Idagdag ko pa itong si Nico Paolo Javelona na maganda rin ang ginawa sa team.
Samantala, kung anong suwerte ng Bacolod ay siya namang malas ng rookie team Nueva Ecija MiGuard laban sa Manila Star ni coach Ariel Vanguardiya. Sa totoo lang ha, super lakas naman ang team ng Manila. Ang grupo nila ay puwedeng dalawa ang mabuo rito. Habang sa MiGuard naman ay medyo nangangapa pa. Natuwa naman ako na nadagdag sa coaching staff si Sonny Manucat na dating taga-San Beda. Ang iba pa sa coaching staff ay sina head coach Eric Gascon, Alvin Grey, Jake Codamon (NCBA), at Juben Lesdesma (Xavier School). Team manager naman si Rye Ripalda.
Napasyal ako sa tryout ng Soccsksargen team na ginawa sa CCP sa Sta. Mesa. Tuloy na ang pagsali ng Soccsksargen, dapat sana ay Sarangani ang gagamitin na pangalan ng team. Ngunit dahil wala umanong sarling gym ang Sarangani ay Soccsksargen na ulit ang dadalhin nilang pangalan ng koponan. Balik- 31 teams ang MPBL. Sa katunayan, sa July 12 ay may laban na ang team ni coach Biboy Simon at ng 1st assistant coach niya na si Manny Toralba. Kahapon ay umalis si coach Simon patungong Sarangani para maghanap ng gym doon na paglalaruan ng team. Pinasukatan na rin ng uniform ang mga player ng koponan. Congrats.
Sino kaya ang pinariringgan ni MPBL founder at Sen. Manny Pacquiao nang sabihin nito na isang team na kilala niya ang mga player ang nagbebenta ng laro? How true na binigyan na niya ng warning ang mga player regarding sa issue ng bentang laro. Tsika ko, maraming players sa isang rookie team ang identified na nagbebenta ng laro. Ingat-ingat dahil hindi nagbibiro si Sen. Pacquiao na tatangalin niya ang mga player once na mahuli niya ang mga ito. Tulad ng sabi niya sa aming interview, nais niya ang malinis na liga at tiwala ng mga tao.
Sa unang laro nina Kevin Ferrer, Jervy Cruz at Sol Mercado sa NorthPort Batang Pier ay nagpakitang-gilas agad sila sa team. Nanalo ang mga bataan ni coach Pido Jarencio. Sabagay ay hindi na iba sina Cruz at Ferrer sa diskarte ng laro ni coach Jarencio dahil magkakasama sila noon sa UAAP sa UST. Marami nga ang nagsabi na kulang pa raw ng isa, dapat isinama na si Aljon Mariano. Tingin ko ay hindi ito pakakawalan ni coach Tim Cone.
Comments are closed.