KABILANG si veteran guard RJ Jazul at ang kapana-panabik na Philippine Cup bubble Game 5 semifinals match sa pagitan ng Barangay Ginebra at ng Meralco sa mga bibigyang parangal sa nalalapit na PBA Press Corps virtual Awards Night.
Si Jazul, 34, at team captain ng Fuel Masters, ay napiling Mr. Quality Minutes para sa kanyang napakalaking kontribusyon mula sa bench, habang ang 83-80 panalo ng Kings kontra Bolts sa kanilang do-or-die match ang unanimous choice bilang Game of the Bubble ng mga sports writer na regular na nagko-cover sa PBA beat.
Ang two-in-one awards night kung saan kikilalanin din ang 2019 awardees ay nakatakda sa March 7 sa TV5 Media Center at handog ng Cignal TV.
Ang 5-foot-11 na si Jazul ay may average na 11.0 points, 2.3 rebounds, at 2.1 assists sa 17 games sa nag-iisang conference noong nakaraang season. Nagtala siya ng career-high 33 points, tampok ang siyam na three-pointers, sa 110-101 panalo ng Fuel Masters kontra five-time champi-on San Miguel Beer upang kunin ang isang puwesto sa quarterfinals.
Ipinaramdam din ng Kings, seeded bilang no. 1 team, ang kanilang presensiya kasunod ng kanilang hard-earned win kontra fifth-seeded Bolts, tampok ang clutch three-pointer ni Scottie Thompson sa buzzer upang kunin ang isang puwesto sa best-of-seven finals.
Si Jazul at ang Ginebra-Meralco game ay bahagi ng distinct bubble awards na igagawad sa event na ipalalabas sa PBA Rush sa March 8.
Nauna nang inanunsiyo na bahagi ng honor roll list si CJ Perez (Scoring Champion) at ang All-Rookie Team (Aaron Black, Arvin Tolentino, Roosevelt Adams, Barkley Ebona, at Renzo Subido).
Hindi pa napangangalanan ang Outstanding Coach of the Bubble, Mr. Executive, President’s Award, Top Bubble D-Fender, All Bubble D-Fenders, at isang special citation.
Samantala, pangungunahan nina 2019 Baby Dalupan Coach of the Year Leo Austria ng San Miguel at Danny Floro Executive of the Year PBA Chairman Ricky Vargas ang honorees sa naunang season na kinabibilangan din nina Presidential Awardee Vergel Meneses, mayor ng Bulakan, Bulacan at isa sa PBA’s 25 Greatest Players, at Defensive Player of the Year Sean Anthony of NorthPort. CLYDE MARIANO
Comments are closed.