MRT-3 MAY LIBRENG SAKAY SA BULAG, VISUALLY-IMPAIRED

MAY libreng sakay ang MRT-3 sa mga bulag at visually-impaired passengers simula August 1 hanggang 6, ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Ang libreng sakay ay ipagkakaloob bilang pagdiriwang sa White Cane Safety Day.

Nilagdaan ni dating Presidente Corazon Aquino noong 1989 ang Republic Act 6759, na idineklara ang August 1 bilang White Cane Safety Day upang maitaas ang kamalayan sa kalagayan ng mga bulag.

Kailangan lamang ipakita ng mga pasahero ang kanilang persons with disability (PWD) identification card para makasakay nang libre.

Ang kada pasahero ay maaari ring magdala ng isang companion na makakakuha rin ng libreng sakay.

“Patuloy nating bibigyang prayoridad ang kapakanan at mga karapatan ng ating visually impaired passengers lalo na sa sapat, mabilis, komportable, at maaasahang transportasyon,” wika ni DOTr Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino.