INIULAT ng Department of Health (DOH) na lumobo pa at umabot na sa halos 250,000 ang mga kaso ng dengue na naitatala nila sa bansa, kabilang dito ang mahigit 1,000 pasyente na binawian ng buhay dahil sa naturang karamdaman.
Batay sa datos ng Epidemiology Bureau (EB) ng DOH, mula Enero 1 hanggang Agosto 24, 2019 ay umaabot na sa 249,332 katao ang dinapuan ng dengue sa bansa habang 1,021 na sa mga ito ang namatay.
Sinabi ni DOH Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo, mas mataas ang naturang bilang ng 109% kumpara sa naitalang 119,224 kaso ng dengue at 622 ang nasawi lamang sa kaparehas na petsa ng nakaraang taon.
Aniya, mula Agosto 18 hanggang 24 lamang ay nakapagtala na ang DOH ng 13,192 baong dengue cases, na 60% na mas mataas sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.
Pinakamarami aniyang naitalang kaso ng sakit sa Western Visayas na may 42,694 kaso at 186 deaths; kasunod ang Calabarzon na may 35,136 kaso at 112 deaths; Northern Mindanao na may 18,799 kaso at 69 deaths; Zamboanga Peninsula na may 17,529 at 93 deaths; at Eastern Visayas na may 17,107 kaso at 52 deaths.
May 10 rehiyon naman sa bansa ang nananatili pa ring lampas sa epidemic threshold.
Pinakamarami umanong nabiktima ang sakit sa mga batang nasa lima hanggang siyam taong gulang.
Ipinaliwanag ng health official na inaasahan nilang mas tataas pa ang maitatalang dengue cases pagpasok ng Oktubre at Nobyembre dahil panahon pa rin ito ng tag-ulan.
Nanawagan din si Domingo sa mga lokal na pamahalaan na ituloy ang kanilang kampanya kontra dengue, pangunahin na ang pagpa-praktis ng ‘4S strategy’ para makaiwas sa dengue.
Pinaalalahanan rin niya ang mga magulang na kung duda silang dengue na ang sakit ng anak ay kaagad na itong ikonsulta sa mga doktor upang maagapan.
Matatandaang nagdeklara na si Health Secretary Francisco Duque III ng national dengue epidemic dahil sa patuloy sa pagdami na kaso ng sakit, na nakukuha sa kagat ng lamok. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.