TUMAAS ang net income ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng mahigit 400 percent mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon.
Sa preliminary data mula sa BSP ay lumitaw na ang net income ay tumaas sa P95.2 billion hanggang end-July, sumirit ng 414 percent mula P18.5 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang revenues ay tumaas ng 57.1 percent sa P190.6 billion mula P121.3 billion.
Ayon sa datos, ang interest income ang bumubuo sa mahigit kalahati ng revenues ng central bank sa nasabing panahon sa P140.2 billion mula P109.6 billion noong 2023.
Tumaas din ang miscellaneous income, na kinabibilangan ng trading gains o losses, fees, penalties, at other operating income, sa P50.2 billion mula P11.7 billion noong nakaraang taon.
Samantala, ang gastos ng BSP ay nagkakahalaga ng P125.7 billion, mas mababa kumpara saP137.1 billion noong nakaraang taon.
Samantala, ang iba pang gastos na kinabibilangan din ng net trading losses, ay bumaba sa P27.4 billion mula P42.5 billion.
“Net income before net gain on foreign exchange rates fluctuation, income tax, and capital reserves amounted to PHP64.9 billion, a turnaround from the PHP15.8 billion loss a year ago,” ayon sa BSP.
Sa hiwalay na datos ay lumitaw na ang total assets ng central bank ay tumaas ng 9.4 percent sa P7.95 trillion hanggang end-July mula P7.27 trillion noong 2023.
Karamihan sa assets ng BSP ay international reserves na tumaas sa P6.2 trillion mula P5.4 trillion noong nakaraang taon.
Ang total liabilities ay tumaas ng 8.2 percent sa P7.7 trillion mula P7.1 trillion noong January-July 2023.
Ang net worth ng BSP ay nasa P230.9 billion, tumaas ng 77.2 percent mula P130.3 billion noong nakaraang taon. LIZA SORIANO