NASA P3 billion na back taxes o unpaid tax obligations ang nakolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula sa erring establishments noong 2021, ayon sa Department of Finance (DOF).
Sinabi ng DOF na ang Oplan Kandado program ng ahensiya ay nagresulta sa pagpapasara sa 523 establisimiyento noong nakaraang taon dahil sa iba’t ibang paglabag sa Tax Code.
Ayon sa BIR, ang kampanya kontra erring establishments ay nagresulta sa pagkakakolekta ng P2.95 billion na back taxes.
Sinabi ni BIR Commissioner Caesar Dulay na nasa 120,220 establisimiyento sa buong bansa ang ininspeksiyon noong 2021 at nakakolekta ng karagdagang P122.4 million na penalties para sa registration-related violations.
Sa ilalim ng Run After Tax Evaders program ng ahensiya, ang BIR ay nakapaghain ng 137 kaso sa Department of Justice (DOJ) kaugnay sa aggregate tax liabilities na P4.4 billion at 17 kaso sa Court of Tax Appeals na may tinatayang kabuuang liabilities na P1.4 billion noong 2021.
Nakakolekta rin ang BIR ng kabuuang P3.91 billion na buwis mula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) hanggang noong December 2021.