(Mula sa US, Canada) P3.5-M DROGA NA NASA 5 PARCELS NASABAT

LIMANG parcel mula sa USA at Canada na naglalaman ng high grade Marijuana or Kush at Cannabis oil ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs- Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA).

Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio nasa P3,554,600 ang halaga ng Kush na tumitimbang ng 2.5 kilos at 70 piraso ng Vape pens na may Cannabis oil na isinilid sa limang kahon na idineklarang mga car seat cover, coffee mugs at mga libro.

Ayon sa ulat, isinalang sa X-Ray at K9 inspection ang mga kahina-hinalang kargamento bilang bahagi ng pinaigting na border security measures kaya nadiskubre ang mga iligal na kontrabando nakasilid sa limang parcel mula USA at Canada.

Matapos isailalim sa physical examination ay tumambad ang mga pinatuyong dahon ng marijuana at vape pens na naglalaman ng cannabis oil.

Patuloy ang follow-up operations ng mga awtoridad para matukoy ang mga may-ari ng inbound parcel na may laman na illegal na droga sa NAIA nitong Abril 26.

Ayon sa awtoridad, ang mga parcel ay nasa disposisyon na ng PDEA laboratory service ng Quezon City at nagsasagawa na ang NAIA-IADITG ng imbestigasyon para malaman ang kinaroroonan ng mga consignee ng parcels.

Ang consignees ng mga parcel ay mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act and the Customs Modernization and Tariff Act.
VERLIN RUIZ