(Muling inihirit sa DOTr) TAAS-PASAHE SA MRT-3

mrt3

NAGBABADYANG tumaas ang pasahe sa MRT-3.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino, humirit ang mga operator na itaas ang P11 boarding fee ng train line sa P13.29, gayundin ang kasalukuyang distance fee nito na P1 para sa kada kilometrong biniyahe sa P1.21.

Ang hirit na fare hike ng MRT-3 ay makaraang aprubahan ang dagdag-pasahe sa LRT-1 at LRT-2 simula sa August 2.
Ang huling pagkakataon na nagtaas ng pasahe sa MRT-3 ay noong 2015.

Unang naghain ang MRT-3 ng petisyon para sa fare increase noong kaagahan ng taon, na ibinasura dahil sa technical issues.

Naunang sinabi ni Aquino na kasalukuyang nagbibigay ang pamahalaan ng subsidiya na P85 per MRT-3 passenger, at ang end-to-end fare ay kasalukuyang nasa P115.

Sa sandaling maaprubahan ang petisyon, isa-subsidize pa rin ng gobyerno ang 70% ng per passenger cost ng line.