(Muling isusulong sa 19th Congress) SUSPENSIYON NG FUEL EXCISE TAX

NAKATAKDANG ihain ni Senadora Grace Poe ang kanyang panukalang suspindehin ang pangongolekta ng excise tax sa langis para maibsan ang hagupit ng pagtaas ng presyo nito sa mga mamamayan.

Sa ilalim ng panukala ni Poe, aamyendahan ang Section 148 ng National Internal Revenue Code para awtomatikong masuspinde ang koleksiyon ng excise tax sa regular gasoline, unleaded premium gasoline at diesel kapag ang average Dubai crude oil base sa Mean of Platts Singapore sa loob ng tatlong buwan bago ang nakatakdang pagtaas ay umabot o lumampas na sa US$80 kada barrel.

Aniya, ang suspensiyon ng oil excise tax ay magbibigay ng pansamantalang ginhawa sa publiko dahil bababa ang presyo ng produktong petrolyo na magreresulta naman sa bawas-presyo ng mga kalakal at serbisyo.

“Para sa ating mga kababayang nakikipaglaban sa kahirapan araw-araw, ang palugit na ito ay lubid ng buhay,” paliwanag ni Poe.

“Ang cash aid na popondohan ng gobyerno mula sa excise tax ay maaaring huli nang dumating sa mga pamilyang wala nang makain ngayon,” diin ni Poe, “May kasabihan tayo, ‘Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.’”

Ang nasabing panukala ay isa sa kanyang mga ihahaing lehislasyon pagsapit ng 19th Congress sa Hulyo.

Ang mga buwis ay malaking karagdagan sa mataas nang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, ang excise tax sa regular at unleaded premium gasoline ay P10 kada litro, habang P6 naman sa diesel. Bukod diyan, ipinatutupad din ang 12 porsiyentong value added tax sa bentahan ng gasolina at diesel.

Kung sususpindehin ang excise tax, P10 agad ang mababawas sa kada litro ng gasolina at P6 naman sa diesel.

Ang kapangyarihang ipinagkaloob sa ilalim ng TRAIN law na suspindehin ang koleksiyon ng excise tax ay transitory at sakop lamang ang mga taong 2018 hanggang 2020.

Samantala, nagpatupad na naman ang mga kompanya ng langis ng panibagong pagtaas sa presyo na epektibo nitong Hunyo 21.

“Kung nagagawa ng pamahalaang magbigay ng bilyon-bilyon para sa cash aid, magagawa rin nitong palampasin ang bahagi ng kikitain mula sa excise tax sa pinakakritikal na panahon para maisalba ang buhay ng milyun-milyon nating mga kababayan,” diin ni Poe.

“Umaasa tayo na ang tumitindi nang panawagang ito ng ating mga mamamayan ay bibigyan ng seryosong konsiderasyon ng papasok na administrasyon,” dagdag ni Poe.

– VICKY CERVALES