MULING PAGSUBOK SA KATATAGAN NG MGA FILIPINO

JOE_S_TAKE

SA LOOB lamang ng dalawang linggo, tatlong bagyo ang dumaan sa ating bansa. Ang mga ito ay pinangalanang Pepito, Quinta, at Rolly. Ang bagyong Rolly ang tinaguriang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taong 2020. Higit sa 20 katao ang namatay at 26 naman ang sugatan. Ang lakas ng bagyong ito ang nagtulak sa pamahalaan upang ilikas ang nasa 100,000 na pamilya at 368,000 katao. Malaking bilang sa mga ito ay mula sa rehiyon ng Bicol at Calabarzon.

Kada taon, umaabot sa 20 ang bilang ng mga dumadaang bagyo sa bansa. Karamihan sa mga bagyong ito ay nabuo sa karagatang Pasipiko. Ito ay karaniwang nagaganap sa buwan ng Hunyo hanggang Oktubre ngunit dahil sa  climate change, nagkaroon ng literal na pagbabago ang ating panahon at tila humaba hanggang katapusan ng taon ang panahon ng tag-ulan.

Ang bagyong Rolly ang ika-19 na bagyong pumasok sa bansa habang nananatili sa ating bansa ang ika-20 na bagyo na pinangalanang Siony. Ayon sa PAGASA, nasa isa hanggang tatlong bagyo pa ang inaasahang papasok sa bansa ngayong buwan ng Nobyembre.

Nananatili namang matatag ang mga Filipino sa kabila ng pananalasa ng nabanggit na mga bagyo. Malaking pasasalamat ang dapat ibigay sa pamahalaan, partikular na sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sa kanilang kahandaan sa pagpasok ng bagyong Rolly. Noong nakaraang Sabado, humigit kumulang isang milyong katao ang inilikas ng NDRRMC bago pa man pumasok sa bansa ang nasabing bagyo. Bunsod nito, naiwasan ang pagtaas ng bilang ng mga nasawi kumpara noong super typhoon Yolanda na tumama sa bansa noong 2013.

Ang kahandaan ng pamahalaan at maging ang mga desisyong ginawa nito ay nakatanggap ng buong suporta mula sa pribadong sektor. Isa sa mga kompanyang nagpaabot ng suporta at tulong ay ang MVP Group of Companies, na nagsagawa ng sarili nitong paghahanda sa pananalasa ng bagyong Rolly.

Ibinahagi ng chairman ng nasabing grupo ng kompanya na si Manuel V. Pangilinan sa isang tweet noong Sabado na ang sentro ng operasyon ng kanilang mga telco, ng Meralco, at ng Tollways ay magpapatuloy 24/7 sa kabila ng masamang lagay ng panahon. Nangako rin itong pakikilusin ang mga sangay nito na namamahala sa mga relief operation at gawaing medikal.

Ayon din kay Pangilinan, ang restoration team ng PLDT-Smart at ng Meralco ay nakaantabay at handing rumesponde sa mga customer na maaaring maaapektuhan ang serbisyo. Siniguro rin ng Meralco na may sistemang nakahanda ang kompanya upang maibsan ang magiging epekto ng pananalasa ng bagyo. Nakaantabay ang mga crew ng Meralco upang agad na rumesponde sa mga mawawalan ng koryente dahil sa bagyo.

Matapos na lumabas ang bagyong Rolly sa bansa, nagpatuloy ang operasyon ng sangay ng Meralco na namamahala sa pagtulong nito sa mga komunidad. Ang One Meralco Foundation (OMF), sa tulong ng Alagang Kapatid Foundation, ay agad nagpahatid at namahagi ng tulong  para sa mga nasalanta ng bagyo.

Sa panahon ng kalamidad, napakalaki ng papel na ginagampanan ng komunikasyon sa pagitan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan at ng pribadong sektor. Ayon kay PLDT-Smart FVP & Group Head of Corporate Communications Cathy Yang, siniguro nila ang katatagan ng kanilang mga serbisyo sa pamamagitan ng kanilang istratehiya sa pagpoposisyon ng mga empleyado, kagamitan, at iba pang pasilidad. Siniguro rin nila ang mabilis na pagbabalik ng serbisyo ng komunikasyon sa mga lugar na lubhang maaapektuhan ng bagyo.

Upang mapanatiling bukas ang linya ng komunikasyon sa pagitan ng mga nasalanta at ng kanilang mga mahal sa buhay na nasa ibang bahagi ng bansa, inilunsad ng Smart Communications ang Smart Store on Wheels upang makapagbigay ng libreng tawag, libreng koneksiyon sa WiFi, at libreng charging sa mga lugar na nadaanan ng bagyo.

Nakagagalak ding malaman na bukod sa lokal na suportang ibinigay sa mga nasalanta, maging ang mga internasyonal na organisasyon ay nagbibigay na rin ng tulong sa ating mga kababayang lubhang naapektuhan ng bagyo. Ang United Nations (UN), katulong ng lokal na mga organisasyon sa bansa na nakatuon ang pansin sa pagkakawanggawa, ay agad na dumayo sa mga lugar na lubhang nasalanta ng bagyong Rolly.

Nagpahayag din ng suporta ang European Union (EU). Handa umano sila na magpadala ng tulong upang masuportahan ang muling pagbangon ng mga nasalanta ng bagyo sa bansa.

“Our solidarity is with the Filipino people as typhoon #RollyPh batters the country, particularly Bicol region,” pahayag ng EU sa kanilang Twitter page. Naniniwala rin sila na muling mapapagtagumpayan ng Filipinas ang krisis na ito.

“UN agencies and humanitarian NGOs (non-government organizations) are already working with relevant (government) departments and offices, Philippine Red Cross, and with private sector groups to coordinate our efforts to support the conduct of rapid needs assessments and swiftly assist the most vulnerable people caught in the typhoon’s destructive path,” pahayag ni UN resident and humanitarian coordinator Gustavo Gonzalez.

Bagaman marami pang bahagi ng bansa ang iniinda ang pinsala ng bagyong Rolly, hindi naman ito pinababayaan ng pamahalaan. Nagtabi na ng iba’t ibang uri ng tulong ang pamahalaan para sa mga biktima ng kalamidad na ito na nawalan ng mga pagkukuhanan ng kabuhayan. Sa pamamagitan ng Bayanihan to Recover as One Act, may pondo nang nakalaan para sa programa ng pamahalaan na Tulong Panghanapbuhay Para sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD).

Kasalukuyang sinusuri ng pamahalaan kung aling bahagi ng pondo ang maaaring ilaan para sa mga nasalanta ng bagyong Rolly. Nagrekomenda rin ang pamahalaan ng mga presyo ng bilihin upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng mga ito lalo na ang mga pangunahing pangangailangan.

Sa panahon ngayon kung saan muli nanamang sinusubok ang katatagan ng ating bansa, napakahalaga ng pagkakaroon ng epektibong istratehiya at ang patuloy na pagtutulungan sa pagitan ng pribadong sektor at ng pamahalaan sa pagbangon ng ating bansa mula sa krisis na ito. Ang taong 2020 ay tila puno ng pagsubok hindi lamang para sa ating lahat kundi pati na rin sa buong mundo. Basta’t may pagkakaisa, walang duda, pasasaan pa’t tuluyang makababangon ang ating bansa at muling mamamayagpag.

Comments are closed.