NAGPAABISO na ang ilang kompanya ng langis na muli silang magtataas ng presyo ng kanilang produktong petrolyo simula ngayong araw.
Lumalabas na ito ang ikatlong sunod na linggong may taas-presyo sa petrolyo.
Ipatutupad sa taas-presyo ang P0.40 kada litro ng diesel habang P0.10 naman sa kada litro ng gasolina, ayon sa Shell, PTT Philippines, TOTAL, Phoenix Petroleum, Flying V, at Caltex.
Magpapatupad din ang Shell, Flying V, at Caltex ng P0.15 taas-presyo sa kada litro ng kerosene.
Ayon sa industry sources, tumaas ang presyo ng langis ng 4 porsiyento noong nakaraang linggo matapos na ilabas ng Organi-zation of Petroleum Exporting Countries (OPEC) ang kanilang huling plano na magbawas ng produksiyon.
Napansin ng world oil market monitoring ng Department of Energy (DOE) na ang OPEC members output noong Disyembre 2018 ay bumaba na sa 32.43 million barrel kada araw mula sa 33.06 million barrel kada araw noong Nobyembre ng nagdaang taon.
Samantala, sinabi ng DOE na dinalaw nila ang 115 fuel retail outlets sa buong bansa noong nakaraang linggo para masiguro ang tamang pagpapatupad ng pangalawang tranche ng oil excise tax.
Dalawampu’t dalawa sa retail outlets ay nasa Quezon City, 57 sa ibang parte ng Luzon, pito sa Visayas, at 29 sa Mindanao.
Sinabi rin ng DOE na nag-isyu rin sila ng show cause orders sa mga retail outlet na nagpatupad ng maagang pagtaas sa excise taxes.
Inaasahan ng ahensiya ang pagpapatupad ng tax hike sa pagitan ng Enero 15 at Pebrero 1.
Ayon sa DOE, hanggang sa Enero 17, may 1,639 retail outlets o 19 percent ng total na 8,630 outlets sa buong bansa ay nagpatupad ng excise tax hike sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
“We are vigilantly monitoring the implementation of the TRAIN law so that our consumers will be am-ply protected,” lahad ni DOE Secretary Alfonso Cusi. PNA
Comments are closed.