INAASAHAN na ni Philippine Olympic Committee (POC) President Ricky Vargas na pagmumultahin ang bansa dahil sa hindi pagpapadala ng basketball team sa 2018 Asian Games.
Inanunsiyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) noong Huwebes ng gabi ang pag-atras ng Filipinas sa Asiad, ilang oras lamang makaraang hirangin si Yeng Guiao bilang head coach at kumpirmahin na ang core ng Rain Or Shine ang kakatawan sa bansa.
“Fines are for sure. There is a separate fine if it’s withdrawal for 30 days, there’s a higher fine if it’s withdrawal less than 30 days,” wika ni Vargas.
Wala pang ipinalalabas na pahayag ang Olympic Council of Asia (OCA) kaugnay sa pag-atras ng bansa sa quadrennial meet.
Ayon sa Article 57 ng OCA Constitution and Rules, ang pag-atras ng isang kalahok nang walang pahintulot ng OCA ay isasailalim sa disciplinary action.
Nakasaad sa Section 10 na: “The withdrawal of a duly entered delegation, Team or Athletes without the consent of the OCA, shall be the subject of disciplinary action as envisaged by the EB (executive board).”
Ito ang unang pagkakataon sa loob ng 12 taon na ang Filipinas ay hindi lalahok sa Asian Games. Ang bansa ay sinuspende ng FIBA noong 2006 sa gitna ng leadership crisis kaya hindi ito nagpadala ng koponan sa Asiad sa Doha, Qatar.
Sinabi pa ni Vargas na hindi pa naaabisuhan ng bansa ang Indonesia Asian Games Organizing Committee (INASGOC) hinggil sa desisyon nitong mag-back out.
“Wala pa kaming naririnig,” aniya nang tanungin hinggil sa reaksiyon ng INASGOC.
“We’ve not formally informed them of the withdrawal of SBP, but I’m sure within the day, we will be able to inform them already,” dagdag pa niya.
Napag-alaman na nasa gitna ng pagbuo ng koponan na sasabak sana sa Asian Games si Yeng Guiao at ang Philippine basketball officials noong Huwebes nang mapagpasiyahan na huwag na lamang lumahok ang bansa sa quadrennial meet.
Sa panayam sa “Sports Desk” program sa CNN Philippines, sinabi ni Guiao na nauunawaan niya na ang napagkasunduan ay ang core lamang ng Rain Or Shine ang kakatawan sa bansa sa Asiad subalit umasa pa rin siya na makakakuha siya ng ibang PBA players para sumama sa koponan.
“We had requested the PBA . . . for the other teams to lend them their players. Example would be Paul Lee, maybe Jeff Chan, maybe June Mar Fajardo, maybe Greg Slaughter or (Stanley) Pringle or Poi Erram, but we were not successful,” wika ni Guiao.
Si Guiao, head coach ng NLEX, ay kinumpirmang gigiya sa Rain Or Shine-led national team noong Huwebes ng hapon, ilang oras lamang bago ianunsiyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang desisyon na umatras sa Games.
“(The PBA) decided to stick with their original decision. We were hoping against hope that with all the names we submitted, baka may makalusot na isa o dalawa, tatlo na masama roon, na mapakalakas iyong team, pero walang nakalusot,” sabi pa ni Guiao.
“Our request was not granted. They stuck to their original decision.”
Sinikap ni Guiao, dating Gilas Pilipinas head coach, na itulak ang mas malakas na lineup dahil sa kalidad ng kompetisyon sa Asian Games, na lalarga sa susunod na buwan.
“Of course, gusto ko, what I wanted was to bring a formidable team and all the teams you play there are national teams, there are no club teams there. They are all national teams,” ani Guiao.
Comments are closed.