(Multiple plant trippings sa Panay grid nagdulot ng malawakang blackout) WHOLE-OF-INDUSTRY APPROACH SA MAAYOS NA SUPLAY NG KORYENTE HILING NG NGCP

MULING nanawagan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng whole-of-industry approach kasama na ang mas maayos na energy resource planning kasunod ng naganap na multiple power plants tripping nitong Enero 2, dahilan upang mawalan ng suplay ng koryente ang Panay island mula sa iba pang Visayas grid.

“The unscheduled maintenance shutdowns of the largest power plants in Panay island was the primary cause of the power interruption. We emphasize the need for improved planning to ensure sufficient generation per island, with a well-balanced mix of fuels and technology,” ayon sa NGCP.

Nauna nang naitala ng NGCP ang kawalan ng suplay ng koryente ng mga power generator plant sa Panay Island, kabilang dito ang PEDC Unit 1 at 2 (83 MegaWatts kada isa ), at ang PCPC (135MW), at iba pa.

Ang pangyayaring ito ay kasunod na rin ng planong maintenance shutdown ng PEDC Unit 3 (150MW) kung saan ang 451MW o 68.75% na kabuuang 656MW ay nagsusuplay ng koryente sa Isla na naging dahilan para mawalan ng suplay ang Panay sub-grid.

Ang kakulangan ng suplay ng koryente ay dulot din ng isinasagawang maintenance shutdowns na saklaw naman ng inaprubahan ng Department of Energy (DOE) na maaaring magsagawa ang mga grid ng Operating at Maintenance Program.

At noong alas-9:30 ng gabi ng Enero 2, apat lamang sa 13 power plants ang nakapagbibigay ng 40.3MW o 6.2 porsiyento ng 83.5MW na siyang pangangailangan ng Panay island.

Dahil dito, ang Grid ay nangangailangan ng 300MW upang maayos na masuplayan ng koryente.

“We will be restoring loads conservatively, by matching loads to restored generation, to prevent repeated voltage failure. NGCP is ready to transmit power once it is available. The people must understand that we can only transmit power, we do not generate power,” dagdag ng NGCP.

Ayon sa NGCP, parehong sanhi ng malawakang power outage ngayon ang Panay island na nauna nang tinukoy ng kompanya kalakip ng kanilang ipinadalang sulat sa pamahalaang lungsod ng Iloilo noong Mayo 11, 2023.

Nakasaad sa liham na kailangang magsagawa ng mas malalim na plano mula sa mga policy maker upang sa ganoon ay matugunan ang lahat ng suliranin na may kaugnayan sa power system.

Sinabi  rin ng NGCP na ang kaganapan sa Panay Sub-grid at ang pagkawala ng suplay ng koryente sa Negros ay kailangang bigyan ng solusyon at kanilang inirerekomenda na maisakatuparan ang Cebu-Negros-Panay stage 3 (CNP3) project.

Bukod dito, inirerekomenda rin ng NGCP na muling pag-aralan at rebisahin ang Philippine Grid Code upang maisama na rin ang renewable energy sources, parikular na ang mga apektado sa paggamit ng makabagong teknolohiya sa pagsasagawa ng energy storage systems at iba pa.

VICKY CERVALES