(Mungkahi ng commuter, transport group) PUVs GAWING MOBILE DRUGSTORE

Atty Ariel Inton-3

HINILING ng isang commuter at transport group na gawing  Mobile Drug Stores (MDS) ang mga nakaparadang  public utility vehicle upang mas mapabilis ang serbisyo sa mamamayan.

Ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), ang kanilang kahilingan ay upang agarang mapadali ang paghahatid ng mga pangangailangan ng publiko sa pagbibigay ng gamot.

Aniya, buong mundo ay napatunayan na kung ilang beses mas mabilis at maaasahan  ang transportasyon.

Sa mga kuwento naman, aniya, mula sa mga siyudad sa gitna ng banta ng COVID-19, maraming reklamo ang naririnig na hindi nakararating sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga ayuda ng lokal na pamahalaan.

Ani Inton, nagtatrabaho naman ang mga lokal na lider, sa iba lang ay mabagal ang pagpapahatid ng mga tulong sa kanilang mga nasasakupan dahil sa hirap sa transportasyon.

“Sa Quezon City, halimbawa, ilan bang sasakyan ang mayroon ang isang barangay? Dalawa? Siguro,  isa lang sa iba. At ilang daang pamilya ang kailangang serbisyuhan? Mabagal talaga ang kilos dahil sa hirap ng transportasyon,” wika ni Inton.

“Subalit may solusyon akong iminumungkahi mula pa noong una. Lahat kasi ng isyu ay dapat maiging pinag-iisipan dahil bago sa ating lahat ang ganitong klaseng problema,” pahayag pa ni Inton.

“Bakit hindi rentahan ng local government at gamitin sa kanilang pagkilos ang mga naka-tenggang public utility vehicle mga jeep, mga PUVs, mga bus,” dagdag pa niya.

“Two birds in one stone pa ito! Kasi mas mapapabilis ang pagkilos ng mga ayuda gamit ang mga PUV  at kikita pa ang mga driver lalo ngayon na hindi na sila nakakapasada at wala nang hanapbuhay. Mahalaga ang mobility sa panahong ito at ang lahat sa hanay ng transportasyon ay gusto ring kumita at gustong tumulong,” ani Inton.

“Ang daming tao ang nangangailangan ng gamot – ‘yung mga basic vitamins at maintenance para sa mga may karamdaman na hindi makalabas. Napakalaking tulong kung may mobile drugstores na maglilibot gamit ang mga PUV,” dagdag pa niya. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.