MAY mga ginagawa nang hakbang ang pamahalaan para mag-angkat ng mas murang diesel galing sa Russia.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na nagsabing kung mag-aangkat ng mas murang diesel galing ng Russia ay posibleng maibenta rin sa mas mababang presyo sa mga consumer sa bansa.
Sinabi ni Roque na nabatid niya kay Energy Secretary Alfonso Cusi na mayroong ginagawang hakbang ang Philippine National Oil Companies-Exploration Commission (PNOC-EC) para sa nabanggit na pag-angkat.
“Ang Russia po is a non-OPEC member. Ang landed cost po rito kasama na iyong cost sa insurance and freight sa Pilipinas is estimated only to be between P25 to P27. P43 po ang palagay ko kahapon sa diesel sa Maynila” ani Roque.
Ipinaliwanag ni Roque na kung sakaling diesel mula sa Russia ang aangkatin ay baka kailanganin pang i-subject ito sa additional processing sa Singapore bago magamit ang Russian diesel.
“But at half the price, maski may additional cost pa ang reprocessing sa Singapore, I think it would be a lot cheaper than current prices of diesel,” dagdag pa ni Roque.
Muling nagtaas ang presyo ng produktong petrolyo kahapon na may dagdag na .35 sentimos sa diesel, .65 sentimos sa gasolina at .54 sentimos sa kerosene.
Ito ang ikatatlong linggo ng dagdag sa presyo matapos na itaas ang presyo ng gasolina at diesel ng halos P1.00 kada litro sa nagdaang dalawang linggo.
Samantala, nagboluntaryo namang tumulong sa gobyerno sina Petron President Ramon Ang at Phoenix Petroleum Holdings Inc. Chairman Dennis Uy sa pamamagitan ng pagbebenta ng murang diesel na aangkatin ng gobyerno sa Russia.
Sinabi ni Roque na ito ang unang pagkakataon na kukuha ng diesel ang bansa sa Russia. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.