LAGUNA – KASONG murder ang isinampa ng pulisya sa piskalya laban sa itinuturong nag-iisa umanong suspek na responsable sa naganap na brutal na pagpatay sa Resort Engineer sa Brgy. East Talaongan, bayan ng Cavinti.
Base sa isinumiteng ulat ni Cavinti Chief of Police PCapt. Abelardo Jarabejo III kay Laguna PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang suspek na si Manolo Cabillan, construction worker, residente ng Sitio Magalolon, Brgy. San Antonio, Kalayaan, Laguna at kasalukuyang tauhan ng biktimang si Engr. Jebbie Fuentes Beatriz ng Las Pñas City.
Sinasabing makaraan ang naganap na insidente, nagawa pa umanong magtungo sa himpilan ng pulisya ang suspek na si Cabillan kasama ang isa pa nitong kasamahan sa trabaho para ipagbigay alam ng mga ito ang hindi inaasahang pagkawala ng biktima tatlong araw bago pa lumutang ang bangkay nito sa lawa.
Ayon sa huling ulat ni Jarabejo matapos ang isinagawang malalimang imbestigasyon nito sa kaso, lumilitaw na hindi na muli pang nagpakita sa lugar ang suspek na si Cabillan.
Napag-alaman na matapos ang naganap na masayang inuman ng biktima at suspek sa loob ng kanilang barracks dakong alas-11:00 ng gabi, hinihinalang sinamantala umano nito ang brutal na pagpatay habang aktong mahimbing na itong natutulog gamit ang isang martilyo na ipinukpok nito sa kanyang ulo.
Matapos nito, nagawa pang isilid ng suspek ang kalahati ng katawan ng biktima sa isang sako ng makita nitong patay na bago nito tinalian ng alambre kasama pa ang isang sako na nilagyan naman nito ng malalaking bato kabilang ang dalawang unan na puno ng dugo, tuwalya, cellfone charger, at martilyo na ginamit nito sa pamamaslang bago nito dinala sa gitna ng lawa para itago ang krimen.
Nang magsagawa ng malalimang imbestigasyon si Jarabejo at kanyang mga tauhan sa lugar matapos lumutang ang bangkay ng biktima sa lawa mahigit 50 metro lamang ang layo nito sa pinangyarihan ng insidente, hindi na muli pang nagpakita at tuluyan na umanong nagtago ang suspek hanggang sa kasalukuyan.
Matinding selos ang isa sa tinitingnang motibo ng pulisya sa karumal-dumal na krimen kasunod ang agarang paghahain ng pamilya ng biktima ng kasong murder laban sa tumakas na suspek. DICK GARAY
Comments are closed.