‘MUST WIN’ SA GILAS MEN VS QATAR

Gilas

HANGZHOU — Nakasalalay sa krusyal na laro ng Gilas Pilipinas kontra Qatar ngayong Lunes ang kanilang kapalaran sa 19th Asian Games.

Nakataya ang isang puwesto sa quarterfinals ng men’s basketball competition kung saan naghihintay ang powerhouse Iran. Ang panalo sa round of 8 ay magbibigay sa Gilas ng pagkakataon sa podium finish laban sa host China.

Sakaling magtagpo ang Pilipinas at China sa semifinals, inaasahang dadagsa ang hometown crowd upang gumanti sa Gilas na tumalo sa Chinese team, 96-75, sa likod ng 34-point blast ni Jordan Clarkson, sa FIBA Basketball World Cup classification sa SM Mall of Asia Arena noong nakaraang September 4.

Nakatakda ang ‘do or die’ sa Qataris sa alas-4 ng hapon sa Zhegiang University Zijingang Gymnasium, kung saan pinataob ng Gilas ang Thailand at si Tyler Lamb, 87-72, noong Huwebes, September 28.

Sinibak ng Qatar ang Indonesia sa quarterfinal contention sa Group Phase, 74-67, noong Sabado, September 30, ilang oras bago nalasap ng Gilas ang 87-62 pagkatalo sa Jordan at kay NBA journeyman Rondae Hollis-Jefferson sa Hangzhou Olympic Sports Center.

Tabla ang Nationals sa Jordanians sa third quarter, 52-all, subait kumawala ang huli sa 13-0 run papasok sa fourth tungo sa panalo upang mabigo ang mga Pinoy na makopo ang outright quarterfinal berth kung saan naiwasan sana ng Gilas ang Iran.

Ngayon ay kailangang malusutan ng Pilipinas ang isang mabigat na kalaban upang umusad.

Base sa preliminary round game ng Qatar kontra Indonesia, kailangang bantayan ng Gilas ang tatlong licensed Qatari shooters — Abdullah Mousa, Babakar Dieng at Khaled Abdelbaset — na kumana ng 19 sa 25 three-point attempts ng koponan.

Ang koponan mula sa Gulf Region ay may mabangis ding rebounders sa katauhan nina Nedim Muslic, El Hadji Ndoye at Faris Advic.

Sa kanilang taas at built, ang Qataris ay tila higit na komportable sa loob ng perimeter, kung saan kinamada nila ang 43 sa kanilang 68 field goal tries mula sa arc.

Kailangang kumayod nang husto kontra Qataris sina Calvin Oftana, na 0 of 7 mula sa field at scoreless sa 28:48 minutes laban sa Jordan. Ganoon din sina CJ Perez (2 of 9 sa 19:57), Japeth Aguilar (4 of 10 sa 28:03) at Ange Kouame (2 of 6 sa 10:27).