NAPAKALAKI ng pagbabagong dulot ng modernong teknolohiya sa ating buhay. Kung dati’y mistulang parang kahon sa laki ang mga telebisyon at black and white ang mga larawang mapapanood dito, ngayon ay maninipis na ang mga ito at napakaganda ng kalidad ng mga video at ng tunog. Nagbabago ang ating buhay dahil sa patuloy na pagbabago ng teknolohiya.
Malaking bahagi na ng ating buhay ang teknolohiya. Sa katunayan, halos lahat ng bagay na ating ginagawa sa araw-araw ay gumagamit nito. Ang kapangyarihan ng teknolohiya ay isa sa mga pangunahing bagay na makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa kaya naman nagtutulungan ang pamahalaan at ang mga miyembro ng pribadong sektor sa pagsusulong ng digitalization sa Pilipinas.
Batid ang kakayahang makatulong sa mga hakbang ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng ekonomiya, suportado ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC), ang nangungunang infrastructure investment na kompanya na pinamumunuan ng negosyante at pilantropong si Manny V. Pangilinan (MVP), ang kampanyang GoDigital Pilipinas (GDP) na inilunsad ng Private Sector Advisory Council (PSAC).
Sa pamamagitan ng kompanya sa ilalim ng MVP Group na nasa iba’t ibang industriya gaya ng kuryente, tubig, transportasyon, kalusugan, at agrikultura, layunin ng MPIC na suportahan ang digitalization sa bansa sa pamamagitan ng pagtulong na magkaroon ng access sa teknolohiya ang mga mamamayan gamit ang mga produkto at serbisyo ng grupo.
Ang digitalization ay malaking bahagi ng istratehiya sa negosyo ng bawat kompanyang kabilang sa MVP Group dahil layunin ng grupo na manguna sa pagpapalawig ng digital landscape ng bansa. Ang Meralco, bilang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, ay nagsagawa rin ng digital transformation. Inilunsad nito ang Customer Centricity Transformation Program and Digital Projects (CCTP+D) na naglalayong paigtingin ang mga platapormang ginagamit nito sa operasyon, partikular na ang mga direktang nakaaapekto sa karanasan ng 7.6 milyong mga customer ng kompanya.
Bukod sa naging matagumpay na digital transformation ng Meralco, inilunsad din ng kompanya ang Meralco Data Platform. Sa pamamagitan ng naturang platform, madaling nakagagawa ang kompanya ng mga management at operational na dashboard na siyang pinagmumulan ng mga impormasyong lubhang mahalaga at malaking tulong para sa paggawa ng mga desisyon ng kompanya.
Ipinatupad naman ng Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC), ang nangunguna at pinakamalaking operator at tagagawa ng expressway sa bansa, ang 100% electronic toll collection sa pamamagitan ng RFID upang mahikayat ang mga motoristang maranasan ang kaginhawaan at benepisyo ng paggamit nito. Mayroon din silang app na tinatawag na MPT DriveHub na nagsisilbing patnubay ng mga motorista sa pagbiyahe.
Ang Maynilad naman ay naglunsad ng Maynilad Customer QR code na maaaring gamitin ng mga customer sa pakikipag-ugnayan sa kompanya. Napaka-kombinyente nito dahil hindi na kinakailangang pumunta pa ng customer sa mga tanggapan ng Maynilad. Maaaring magpadala ng katanungan, magreport ng concern at ng request gamit ang QR code.
Patuloy din ang Light Rail Manila Corporation (LRMC) sa pangunguna sa digitalization sa pagbiyahe gamit ang tren. Bilang bahagi ng bagong normal, nagtayo ito ng mga kiosk sa iba’t ibang istasyon sa LRT-1 kung saan maaaring magload ang mga pasahero ng kanilang mga Beep card. Bahagi rin ng plano ng LRMC ang paglulunsad ng QR-based ticketing system ngayong taon.
Gamit ang modernong teknolohiya, ang Metro Pacific Health bilang pinakamalaking grupo ng mga pribadong ospital sa bansa, ay patuloy sa pagpapaigting ng hospital information system. Inilunsad din ng grupo ang mWell, ang kauna-unahang healthcare app sa bansa. Sa pamamagitan ng app na ito, maaaring magtakda ng konsultasyon sa pamamagitan ng video call anumang oras ang mga pasyente. Ang bayad para sa video call ay online din gagawin. Kung kailangan ng gamot, ito ay ihahatid na lamang sa pasyente. Mayroon ding digital medical ID ang app kung saan nakalagay ang record ng pasyente.
Hindi lamang sa negosyo ginagamit ng MVP Group ang digitalization. Maging ang social development arm ng Meralco, ang One Meralco Foundation (OMF), ay kaisa ng grupo sa pagsusulong ng digitalization. Sa pamamagitan ng school electrification program nito, nabibigyan ng access sa kuryente ang mga paaralan sa mga liblib na lugar sa bansa. Sa tulong ng serbisyo ng kuryente at mga laptop na donasyon mula sa OMF, mayroon nang kakayahan ang mga guro at mag-aaral sa malalayong lugar na maranasan ang digital-based learning.
Ang Gabay Guro, ang advocacy organization na bahagi rin ng MVP Group ay naglunsad ng Gabay Guro super app na naglalayong tulungan ang mga guro. Sa pamamagitan ng app, nagkakaroon ng access ang mga guro sa iba’t ibang mga learning material mula sa mga partner ng MVP Group gaya ng Microsoft, LinkedIn, at FrontLearners, na maaaring gamitin sa pagtuturo. Maaari ring gumawa ng digital na lesson plan ang mga guro gamit ang super app.
Ilan lamang yan sa mga paraan kung paano ginagamit ng MVP Group ang digitalization sa operasyon upang paigtingin ang mga produkto at serbisyo ng mga ito. Patuloy ang buong MVP Group sa pakikiisa sa pamahalaan sa pagsusulong ng digitalization sa bansa. Ang lahat ng mga proyekto at inisyatiba ng grupo na may kaugnayan sa digitalization ay alinsunod at sumusuporta sa United Nations Sustainable Development Goals (UN SDGs) partikular na sa SDG 9 – ang Industry, Innovation, and Infrastructure. Ang patuloy na pakikiisa ng MPIC at ng iba pang miyembro ng pribadong sektor sa pamahalaan ay isa sa mga susi ng mabilis na pag-unlad ng Pilipinas.