(MVP si Durant) TEAM GIANNIS ‘DI UMUBRA SA TEAM LEBRON

Durant

CHARLOTTE – Nagbuhos si Kevin Durant ng 31 points at nakopo ang MVP award makaraang gapiin si Giannis Antetokounmpo upang tulu­ngan ang Team LeBron na maitakas ang 178-164 panalo sa 2019 NBA All-Star Game noong Linggo ng gabi.

Ito na ang ikalawang MVP honors ni Durant, ang una ay kanyang nasikwat noong 2012.

Naisalpak ng Team LeBron ang 35 sa 90 attempts sa 3-pointers na naging sandigan ng kanilang panalo.

Tinulungan ni Durant  ang Team LeBron na makalayo sa pamamagitan ng 3-pointer, dalawang minuto ang nalalabi para sa 171-160 kalamangan. Bumanat si  Kyrie Irving ng isang leaning floater at naisalpak ni Durant ang 15-footer mula sa wing upang selyuhan ang panalo.

Nanalasa ang Team LeBron sa third quarter kung saan nagpaulan sina Klay Thompson at Damian Lillard ng tres para makabawi ang koponan mula sa 18-point deficit sa second quarter.

Nag-ambag si Thompson ng 20 points, habang gumawa si team captain LeBron James ng 19 points.

Nasayang naman ang 38 points na kinamada ni Giannis sa loob ng 27 minuto, habang ku­mamada sina Paul George at Khris Middleton ng tig-20 points para sa Team Giannis.

Comments are closed.