DUMEPENSA kamakailan ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa kanilang desisyon na aprubahan ang hirit na dagdag-singil sa tubig ng mga metro water concessionaire sa kabila ng pagsipa ng inflation o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Ty, nauunawaan nila ang pasanin ng mga konsumer dahil sa inflation kaya hinati nila sa lima ang paniningil ng Maynilad at Manila Water sa dagdag-singil.
“Hindi natin ginawang isang bagsakan dahil gusto po namin alalayan ang inflation, dahil naiintindihan natin na medyo mabigat sa ating consumers na tumataas po lahat ng bilihin,” sabi ni Ty.
Nasa P5.73 kada cubic meter ang inaprubahan ng MWSS na rate adjustment ng Maynilad habang P6.22 hanggang P6.50 kada cubic meter naman sa Manila Water.
Ayon pa kay Ty, mas mababa ang mga inaprubahan nilang rate kumpara sa hinirit na P8.30 dagdag ng Manila Water at P11.04 dagdag ng Maynilad.
Kailangan na rin daw ang dagdag-singil para maituloy ng water concessionaires ang kanilang mga proyekto.
HAHATIIN HANGGANG 2022
Sisimulan ang paniningil sa Oktubre at magtutuloy hanggang Enero 2022, maliban sa 2019.
Nasa P0.90 ang dagdag-singil ng Maynilad sa Oktubre habang P1.46 naman sa Manila Water.
Sa Enero 2020 at Enero 2021, P1.95 ang dagdag-singil ng Maynilad habang P2 sa Manila Water.
Para naman sa Enero 2022, P0.93 ang dagdag-singil ng Maynilad at P0.76 hanggang P1.04 naman sa Manila Water.
Para kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, walang basehan ang pag-apruba sa dagdag-singil.
“Mayroon pa silang pinanghahawakang pera roon sa itinaas na tubig noong third rebasing period,” ani Dimagiba.
“Tingnan po ninyo ang income statement ng Manila Water at Maynilad, ‘di naman po sila nalulugi. Marami po silang pera,” dagdag ni Dimagiba.
Comments are closed.