(Na hit and run) RIDER NADALE SA DUMP TRUCK

Rider

VALENZUELA – PATAY ang isang 24-anyos na merchandizer matapos mabangga ang kanyang minamanehong motorsiklo ng isang dump truck kamakalawa ng gabi.

Hindi umabot ng buhay sa Valenzuela Medical Center sanhi ng tinamong mga pinsala sa katawan si John Paul Diolola ng 244 Data St., Brgy. Paso De Blas matapos isugod ng rumespondeng mga tauhan ng Valenzuela Rescue Team.

Sa nakarating na ulat kay Valenzuela police chief P/Col. David Nicolas Poklay, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa north-bound lane ng Mac Arthur Highway.

Lumabas sa imbestigasyon, minamaneho ng biktima ang isang motorsiklo na may plakang BA 80393 patungo sa Brgy. Karuhatan nang mahagip ito ng dump truck na tinatahak din ang kaparehong direksiyon sa tapat ng Fatima Hospital sa Brgy. Marulas.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima sa motorsiklo hanggang sa magulu­ngan pa ang katawan nito ng hulihang gulong ng truck na hindi man lang huminto ang driver nito.

Isang nagmalasakit na motorista na nakasaksi sa insidente ang nagawang makuha ang temporary license plate ng dump truck na MV File #-1301-0000638786.

Patuloy namang tinutugis ng pulisya ang driver ng drump truck na mabilis na tumakas matapos ang insidente. EVELYN GARCIA

Comments are closed.