NADALE NG PAPUTOK BUMABA

Francisco Duque

BUMABA ng 68 porsiyento ang bilang ng mga nasugatan o nasaktan dahil sa paputok sa pagsalubong
sa Bagong Taon.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, nakapagtala sila ng 139 mula Disyembre  21 hanggang alas-6 ng umaga nang Enero 1.

Sa naturang bilang, mahigit 100 rito ang nakaranas ng paso o sugat, lima ang may sugat at naputulan ng bahagi ng katawan at 36 na sugat sa mata.

Pinakamarami ang naitalang insidente sa National Capital Region, sinundan ng Region 6, Central Visayas, Central Luzon at Calabarzon.

Nagbabala si Duque na posibleng magdagdagan pa ang kanilang bilang dahil may mga report pa silang hindi natatanggap mula sa mga probinsiya.

“Most additional injuries may arise from children from picking up unexploded fireworks in the streets. Our reminder to tha parents, they still have to be on the lookout,” pahayag ni Duque

Ipinahayag naman ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na umabot lamang sa 55  ang naitalang naputukan sa pagsalubong ng Bagong Taon na mas mababa kumpara noong 2017.

Ayon kay National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar na simula nitong Disyembre 21, 2018 hanggang alas-6:00 ng umaga ng Enero 1, 2019 ay bumaba ang bilang ng mga biktima ng paputok at ito ay umabot lamang sa 55.

“Talagang natuto na ang ating mga kababa­yan”, ani Eleazar.

“So malayo po ‘yun ‘dun sa ngayon na 55 so far. Well, ini-expect natin sa araw na ito ang pinakamarami at puwede rin naman sa mga susunod na araw ay mayroon pa rin pero sa tingin ko po ay sana huwag nang ma­dagdagan pa,”  sabi pa ng NCRPO director.

Tinukoy ni Eleazar na kaya bumababa ang biktima ng mga paputok ay dahil na rin  sa police visibility o ang pagpapakalat  ng 12,000 bilang ng mga pulis sa  buong Metro Manila at nakaantabay rin ang mga police nurse sa first aid station.

“Malaking bagay na ang utos natin sa ating mga kapulisan ay ma­ging visible,” dagdag pa ni Ele­azar.

Nabatid pa rin kay Ele­azar na base sa kanilang record ay apat na  katao ang nadakip dahil sa paggamit ng ilegal na  paputok at  isa ang nagpaputok ng baril.

Inihayag din ni Ele­azar na naging  “generally peaceful” ang pagsalubong ng Bagong Taon sa Kalakhang Maynila.

Pahayag pa nito ay  kaya walang  masyadong naging problema sa crowd control at mas kaunti ang nagpaputok  dahil   na rin sa pag-ulan sa pagsalubong sa Bagong Taon. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.