(Nag-escort sa Pinoy na mangingisda) 9-DAY SECURITY PATROL NG PCG SA BAJO DE MASINLOC TAGUMPAY

NAKUMPLETO na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang siyam na araw na pagpapatrolya sa Bajo de Masinloc o kilala bilang Scarborough Shoal.

Sa direktiba ni Coast Guard Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, idineploy ang BRP Teresa Magbanua sa Bajo de Masinloc para i-monitor at protektahan ang mga mangingisdang Pilipino sa loob ng exclusive economic zones (EEZ) ng Pilipinas.

Ang Bajo de Masinloc ay isang atoll o isla na kasama sa pinag-aagawang teritoryo.

Sa siyam na araw na pagpapatrolya, sinamahan ng mga tauhan ng Coast Guard ang mga mangingisdang Pilipino na sakay ng 14 na bangka para alamin ang kanilang fishing efforts at namahagi ng food packs at inuming tubig bilang suporta sa matagal na operasyon sa Bajo de Masinloc.

Sinabi ng PCG na na-monitor nito ang presensya ng apat na barko ng Chinese Coast Guard bukod pa sa apat na Chinese Maritime Militia Vessels sa panahon ng pagpapatrolya.

Maayos na nakipag-usap ang BRP Teresa Magbanua sa pamamagitan ng radyo sa Chinese maritime ships kung saan iginiit nila ang malinaw at makatwirang posisyon ng Pilipinas batay sa international law.

Ayon sa PCG, nagpasalamat ang mga mangingisdang Pilipino at sinabing ang presensya ng mga barko ng bansa ay nagpapalakas ng kanilang loob na magpatuloy sa pangingisda sa pinag-aagawang karagatan.

“The Coast Guard’s white ships will consistently ensure Filipino fishermen’s safety and welfare,” pahayag ni Gavan.

“Every Coast Guardian will do more so that the best public service prevails in accordance with the President’s vision and call for action towards ‘Bagong Pilipinas’ by ensuring food security, among others, being a fundamental element of the social chance to drive national development,” aniya pa. PMRT